Binaril, pinukpok: Pinoy, natagpuang patay sa Las Vegas

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 03:53 PM | Updated as of Nov 11 2018 07:30 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang Pinoy ang natagpuang patay sa kaniyang tinitirhan sa Las Vegas, Nevada sa Amerika dahil umano sa pamamaril at pagkakapalo ng mabigat na bagay sa kaniyang ulo.

Katarungan naman ang hinihingi ng mga kaanak ng biktimang si Jonathan Fernando Tica, 34 anyos, matapos mabalitaang nakalabas ng kulungan ang suspek sa pagpatay.

Oktubre 31 nang matagpuang wala nang buhay sa bahay sa North Las Vegas si Tica. 

Base sa police report, may dalawa o tatlong araw nang patay si Tica bago pa nakarating sa mga awtoridad ang insidente.

Ayon sa Clark County Coroner's Office, itinuturing na homicide ang pagkamatay ni Tica dahil nagtamo siya ng mga tama ng bala at pinalo pa ng isang mabigat na bagay sa ulo.

Ayon sa mga ulat, inaresto ng North Las Vegas police ang suspek na si Parichart Hall, 48, na kasama ni Tica sa kaniyang bahay.

Sinabi umano ni Hall sa mga pulis na may relasyon sila ni Tica.

Ayon pa sa ulat, sinabi ni Hall sa mga pulis na nagpapanggap lang na patay si Tica.

Mariin naman itinanggi ng mga kaanak ni Tica ang sabi ni Hall na may relasyon sila ng biktima dahil may asawa at anak daw ito sa Pilipinas.

"I met that girl. Pinakilala ako ni Jonathan sa kaniya," kuwento ng tiyahin ng biktima na si Lilia Bigelow Stratford.

"Sabi ko, 'Jonathan, magsabi ka ng toto sa 'kin, do you have a relationship?' Sabi niya, 'Wala, tita,'" ani Stratford.

Ayon naman kay Maria Aurora Tica, ina ng biktima, naikuwento raw sa kanila na hiniwalayan daw si Hall ng dati nitong mister dahil "may diperensiya" ito. 

"'Yong babae may anak sa una. Ang sabi sa amin hiniwalayan ng asawa kasi may tama sa ulo, may diperensiya nga daw, umiinom ng gamot," sabi ng ina ng biktima.

Pero lalong nadismaya ang mga kaanak ni Tica matapos mabalitaang nakalabas ng kulungan si Hall.

"They released this woman and we weren't even told about it either," ani Stratford. 

Dahil sa malaking salapi ang kailangan para maiuwi ang bangkay ni Tica sa Pilipinas, nagsagawa ng GoFundMe page ang ina ng biktima para sa sino mang nais magpaabot ng tulong.

Nakikipagtulungan na ang pamilya ni Tica sa Department of Foreign Affairs para maiuwi ang bangkay ng biktima sa bansa sa lalong madaling panahon. --Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.