Ilang Pinoy, nagbayanihan para tulungan ang mga biktima ng pamamaril sa Las Vegas

ABS-CBN News

Posted at Oct 04 2017 01:09 AM

Umakyat pa sa mahigit 500 ang bilang ng sugatan sa walang habas na pamamaril sa Las Vegas, Nevada. 

Sa huling tala, 59 ang nasawi sa madugong insidente.

Kabilang sa mga sugatan ang isang Filipino-American na si Arthur Andrade matapos tamaan ng bala sa tiyan.

Kuwento ng pamilya ni Andrade, kasama ng binata ang kaniyang nobya sa music festival nang magpaulan ng bala ang gunman na si Stephen Paddock.

Na-operahan na si Andrade at kasalukuyang nananatili sa intensive care unit ng ospital.

Nagpadala na rin ang Embahada ng Pilipinas ng mga kinatawan sa Las Vegas upang alamin kung may iba pang Pilipinong biktima.

Nasa 120,000 Pilipino ang naninirahan sa Las Vegas, ayon sa Philippine General Consulate sa Los Angeles, California.

Mga Pinoy, nagpaabot ng tulong

Nakiisa at nagbayanihan naman ang ilang Pilipino sa Amerika upang tugunan ang panawagan para sa donasyong dugo sa mga ospital.

Hindi nila alintana ang anim hanggang walong oras na pagpila para lang makapag-donate ng dugo.

Ang ilang Pilipinong hindi nakapagbigay ng dugo, sa ibang paraan nagpaabot ng tulong gaya ng pagbibigay ng donasyon at pag-volunteer. 

Naka-half mast ang mga bandila sa buong estado ng Nevada bilang simbolo ng pagluluksa.

Inaalam pa rin ng mga awtoridad ang motibo ng namaril.

Sa Miyerkoles, Oktubre 4, nakatakdang dumalaw sa Las Vegas si US President Donald Trump para makiramay sa mga biktima.

-- Ulat ni Bev Llorente, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.