2 Pinoy kumpirmadong patay sa pagguho ng tulay sa Taiwan

ABS-CBN News

Posted at Oct 02 2019 11:57 AM | Updated as of Oct 02 2019 08:08 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang bangkay ng Pinoy ang narekober sa gumuhong tulay sa Yilan County sa Taiwan, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) nitong Miyerkoles.

Martes ng umaga nang matabunan ng tulay ang aabot sa 3 fishing vessel na lulan ang ilang Pinoy. Tatlong Pinoy ang naitalang nawawala sa insidente.

"Nakadaong yung kanilang vessel dun sa ilalim ng tulay para magrefuel. Mayroon silang mga cabin dun, nag-stay sila dun sa kanilang vessel, 'yun malamang yung mga naapektuhan at naipit dun sa pagguho," ani MECO director for administration Gerry De Belen. 

Kinilala ang dalawang bangkay bilang sina Andrew Abregana Serencio at Gorge Jagmis Impang, na pawang mga mangingisda.
Pinaghahanap naman ang isa pang Pinoy na si Ilustrisimo Escalicas Jr. 

Ayon sa MECO, magha-hatinggabi na nang marekober ang labi ng isa sa mga nawawala. Narekober naman ang isa pang bangkay bandang alas-9 ng umaga ng Miyerkoles. 

Tiniyak ng Department of Labor and Employment na inaasikaso na ang pagpapauwi sa bangkay ng dalawang Pinoy. 

Bibigyan din ng ayuda ang naulilang mga pamilya, kabilang ang scholarship sa kanilang mga anak. 

Nauna nang sinabi ng mga awtoridad sa Taiwan na pahirapan ang pagrekober sa mga natabunang vessel lalo't nabaon ito sa malalim na parte ng dagat. 

Nakalabas naman ang apat sa sugatang Pinoy habang inoobserbahan ang isa pa. 

Iniimbestigahan ng gobyerno ng Taiwan ang trahedya. 

— Ulat nina Maan Macapagal at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.