PH, UAE pinirmahan ang kasunduan kontra human trafficking

Rachel Salinel,ABS-CBN News

Posted at Sep 27 2019 06:04 PM

Ang memorandum of understanding laban sa human trafficking ay nilagdaan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at UAE Foreign Affairs Minister Sheikh Abdullah Bin Zayed Bin Sultan Al Nahyan nitong Huwebes. Facebook post

Nilagdaan na sa pagitan ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE) ang isang kasunduan para labanan ang human trafficking.

Ang memorandum of understanding ay nilagdaan ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. at UAE Foreign Affairs Minister Sheikh Abdullah Bin Zayed Bin Sultan Al Nahyan nitong Huwebes, Setyembre 26, base sa Facebook post ni DFA undersecretary Sarah Ysmael Arriola mula sa United Nations headquarters sa America.

Ang MOU ay pagkilala ng kahalagahan ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa para mahinto ang human trafficking.

Ang kasunduan ay pag-amin din ng malaking pangangailangan ng pagtutulungan para mahinto ang human trafficking at pagpataw ng nararapat na parusa sa mga gumagawa nito.
 
Nagkasundo ang dalawang bansa na sila ay kikilos para ma-promote ang prevention at suppression ng krimeng ito.
 
Ang human trafficking ay ang ilegal na pagdala ng mga tao sa ibang lugar o bansa para sila ay ma-exploit kung hindi sa puwersadong magtrabaho o kaya naman ay sexual exploitation.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.