Pinoy disaster-data expert sa Mozambique, hinangaan

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Sep 20 2019 04:23 PM | Updated as of Sep 20 2019 04:48 PM

Isang college dropout mula Cagayan De Oro ang may mahalagang papel na ginagampanan sa Mozambique sa larangan ng data gathering at managing, infographics at mapping sa tuwing may delubyo.

Ang trabaho ni Raul Maaño, 48-anyos, bilang information Management Officer ng United Nations Office for the Coordination of Humanitarian Affairs (OCHA) ay nakatutulong para ang mga ahensiyang nasa ilalim ng UN ay makabuo ng proposal para sa pondo at planong pantulong sa mga nabiktima ng kalamidad.

Katunayan sa husay ni Maaño sa trabaho, ang snapshot template na kaniyang ginawa sa UN Resident Coordinator's Office at ginamit ng National Emergency Operations Centre (CENOE) ay napakinabangan sa mga nagdaang cyclone Idai, Kenneth at Dineo ng National Institute of Disaster Management Mozambique (INGC).

Ilan sa mga nagpatotoo dito ay ang mga nakatrabaho niya tulad ni Michel Le Pechoux, dating Deputy Representative ng UNICEF Mozambique.

“It is nice to see the results of his capacity building with INGC (Mozambique National Institute of Disaster Management) who is now using snapshot approach following the recent floods,” sabi ni Le Pechoux.

Nagpahayag din ang kasamahan niyang si Leo McGillivray, isang Humanitarian Affairs Officer ng OCHA, sa mabuting trabaho ni Maaño sa INGC-CENEO (Centro Nacional de Operacoes de Emergencia).

"Well done, Raul. The good work you initiated continues," sabi niya.

Mula nang nakapasok si Maaño bilang Information Management Officer sa International Organization for Migration (IOM) at UNICEF, natalaga na siya sa mga lugar na dinaanan ng matinding bagyo tulad sa Cagayan De Oro, Nigeria, Davao, Tacloban, Vanuatu, Fiji at Mozambique, at sa bansang may mga kaguluhan tulad ng Jordan at Bangladesh.

Sa ngayon, siya ay balik Mozambique dahil sa nagdaang dalawang bagyo mula Marso at Abril.

“It makes you happy and fulfilled because knowing yung trabaho mo maraming taong natutulungan, hindi lang yung organization, pati yung taong affected ng kalamidad," sabi ni Maaño.

Sa loob ng mahigit 7 taon sa humanitarian organizations, tumibay siya sa mga hamon tulad ng hirap sa pagkalap ng impormasyon dahil sa iba-ibang lengguwahe, availability ng data, accessibility ng lugar, gayundin ang problema sa kalusugan o seguridad ng mga lugar ng assignment niya at maging relasyon sa ibang ahensiyang katrabaho sa ilalim ng UN.

Hamon din para sa kaniya ang maging malayo sa asawa at anim na mga anak, at nang minsang madapuan siya ng malaria habang nasa assignment sa ibang bansa.

"Humuhugot na lang ako ng lakas sa Panginoon at sa pamilya ko. Kapag may hadlang sa trabaho n'yo o sa career n'yo, huwag ninyong i-consider yan kasi lahat possible with the Lord's guidance," payo niya.

Hindi na bago sa kaniya ang pagpupursige dahil sa nakaranas siyang huminto sa pag-aaral sa kolehiyo nang atakihin sa puso ang ama. Ganunpaman, dahil na rin sa determinasyon at pananalig sa sarili at Diyos, napasok siya sa IOM.

"Hindi hadlang yung wala kang natapos din kasi nasa iyo rin yung pagpupursige at saka yung panalangin sa Panginoon," pahayag ni Maaño.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.