Mga Pinoy sa Saudi kalmado pero alerto matapos ang pag-atake sa Aramco

Maxxy Santiago at Lyndon Aballe, ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2019 08:02 PM

Nananatiling kalmado pero alerto ang mga Pilipino sa Saudi Arabia matapos ang naganap na drone attack sa oil facility ng Saudi Aramco noong Sabado.

Sa kabila ng napapabalitang tensiyon sa bansa matapos ang nasabing pag-atake, hindi naman nababahala ang mga overseas Filipino worker.

"Tahimik naman 'yung lugar, wala naman akong napapansin basta secured naman ata ang place, kalmado naman ang tao dito, kahit sa pagpasok sa work safe naman," paliwanag ni Dr. Rachel Comoro, isang OFW.

Dagdag pa ni Lito de Guzman, isa ring OFW, kadalasang hinihigpitan ng awtoridad ang seguridad kapag may mga sakuna.

"I think 'pag may ganyan namang sakuna hinihigpitan talaga nila ang seguridad pero sa ngayon kalmado naman eh, wala naman masyado ano, actually manggaling naman mismo sa company namin 'yan para sa mga tauhan na warning na 'wag maglalabas," aniya.

Matapos ang pag-atake noong Sabado sa pasilidad ng Saudi Aramco, isang state-run oil company, agad na pinatingnan ng Philippine Embassy sa Riyadh ang sitwasyon ng mga Pinoy.

"Agad ko pong inabisuhan ang labor attaché na i-check ang kampo upang masiguradong walang kababayang nasaktan. Nangyari ang pagsabog madaling araw, wala pa pong pumapasok sa oras na iyon kaya walang nasaktan," paliwanag ni Patrick Aro, chargé d'affaires ng embahada.

Sinisikap ngayon ng embahada na makakuha ng permit mula sa mga awtoridad para makapasok sa loob ng Aramco nang personal nilang makita ang lugar at sitwasyon ng mga Pilipino doon.

Pinabulaanan naman ni Aro ang balitang may banta sa seguridad o heightened alert sa buong kaharian.

"Walang epekto sa buong kaharian. Nung pumasok nga kami kahapon, wala naman po kaming nakikitang paghihigpit sa daanan at dito mismo sa diplomatic quarters ay wala pong additional checkpoint o security measures, pati sa Abqaiq at Aramco ay back to normal na, wala na po 'yung checkpoint sa mismong area," dagdag niya.

Paniguro ng embahada, patuloy silang magbabantay sa mga magaganap. Panawagan nila sa mga Pinoy sa Saudi na tumutok sa mga advisory ng embahada at manatiling alerto at kalmado.

"Para po sa may mga kamag anak na nagtatrabaho sa Saudi Arabia at sa Aramco, particular sa Abqaiq at Khurais, ina-assure po natin na kumikilos ang embahada para masigurado na maayos ang kalagayan ng mga kababayan natin doon. Base sa report ng mga kabayan natin doon ay hindi naman po sila naapektuhan at normal ang pagtrabaho nila doon," ani Aro.

"Panagawan po ng embahada na 'wag po mag-panic, kung mayroon man po kayong isangguni o itanong puwede po ninyo kaming tawagan," dagdag pa niya.

Lubhang nakaapekto ang nasabing pag-atake sa suplay ng langis sa Saudi Arabia.