Kaanak ng OFW na minamaltrato sa Saudi Arabia humingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Sep 15 2019 06:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihingi ng tulong ang kamag-anak ng isang overseas Filipino worker (OFW) sa Saudi Arabia na nakaranas umano ng pangmamaltrato mula sa amo nito.

Ayon kay Elizabeth Cabrera, ikinuwento ng kaniyang pamangking si Lilibeth, isang household service worker, na minamaltrato ito ng amo nito sa Jeddah.

Isang beses lang pinapakain ng amo si Lilibeth, hina-harass, at hindi pa binibigyan ng sahod, ani Elizabeth.

"Takot na takot na siya kaya po ako nag-decide na talagang humingi ng help," ani Elizabeth.

Lalong nag-alala si Elizabeth nang mawalan sila ng komunikasyon kay Lilibeth 3 linggo na ang nakalilipas.

"Hanggang ngayon wala pang, parang missing. Hindi na po alam gagawin namin," aniya.

Dumulog si Elizabeth Cabrera sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at sa agency ni Lilibeth na Prime Goal International Manpower.

Ayon sa OWWA, inendorso na nila ang hinaing ni Elizabeth sa labor office sa Saudi Arabia.

"To pressure 'yong agency sa Jeddah na i-settle itong claims ni Lilibeth," ani OWWA Repatriation Division director Jo Hapal.

"Mas maganda na kuhanin na muna si worker doon sa employer habang tumatakbo iyong kaso," ani Hapal.

Nakikipagtulungan na rin ang agency ni Lilibeth.

"We have communicated already with our foreign placement agency," ani Prime Goal legal counsel David Castillon.

"Our order is to immediately repatriate the worker," ani Castillon.

Ayon pa sa agency, kung hindi mag-issue ng exit visa ang employer, walang ibang paraan kundi ilapit ang kaso ni Lilibeth sa Philippine Overseas Labor Office.

Handa naman daw ang agency na bayaran ang hindi nakuhang sahod ni Lilibeth sakaling magmatigas ang employer nito at hindi ibigay.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.