Mga Pinoy, nakiisa sa Notting Hill Carnival para sa charity work

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2019 03:52 PM | Updated as of Aug 29 2019 05:33 PM

LONDON – Kabilang ang Filipino community sa mga nakilahok sa Notting Hill Carnival sa London na ginagawa 2 araw tuwing huling linggo ng buwan ng Agosto sa mga kalsada ng Notting Hill at Kensington area.

"Every year, nandito ako kasi malapit lang bahay namin dito. Kahit may problema ka, enjoy ka. Masaya ang Notting Hill festival," sabi ni Geraldine Anico, may 14-taon na sa UK. 

May isang dekada nang aktibo ang Filipino Chaplaincy ng St John’s Notting Hill sa pag-oorganisa ng mga Pinoy volunteer na nagtitinda ng pagkain para sa kanilang taunang fundraising. 

Sabi ni Fr. Larry Galon, mula 1,000 pounds lumaki ang kita sa pagbebenta ng pagkain na umaabot hanggang 7,000 pounds dahil sa pagtutulungan ng Pinoy volunteers. Ang nalilikom na pera ay pondo ng grupo para sa kanilang charitable works. 

"Yung mga Pilipino dito ay different compared sa Filipinos in the Philippines. Kasi yung dito, mulat na sa paggagawa ng charity works," sabi ni Galon.

Paliwanag niya, ang malilikom nilang pera ay mapupunta sa isang paaralan sa Aklan at sa mga pamilyang nangangailangan.

Kasama rin sa pinaghahandaan ng Filipino Chaplaincy ang pagpondo, pagbibigay ng tirahan para sa mga undocumented Pinoys at pagtulong para makakuha sila nga magaling na abogado na hahawak ng kanilang kaso. Maraming runaway o takas na domestic helper ang natutulungan ng grupo.

Kuwento ng Fr. Galon, mula 2013, may 5 Pinoy na ang napondohan ng FilChap para magkaroon ng solicitor. 

Isa sa volunteer sa Notting Hill Carnival para magluto ng pagkain ay si Ofelia Magalit, mula Aklan. Siya rin ang founder ng Ofelia Foundation na 4 na taon na mula nang mabuo. Ilan sa natulungan nila ay ang eskuwelahan sa Pangasinan.

"This is a charity and the proceeds will go to Filipino Chaplaincy, especially yung Filipinos na walang tirahan sa London," dagdag niya.

Higit isang milyon ang dumadayo sa Notting Hill Carnival. Ito ang sinsamantala ng mga Pinoy volunteers mula sa St. John’s Filipino Chaplaincy para makapagbenta ng pagkain, maging bahagi ng selebrasyon ng cultural diversity habang nagcha-charity work. 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.