Higit P5 milyon, naipamahagi sa mga OFW na na-stranded sa NAIA

ABS-CBN News

Posted at Aug 29 2018 02:41 AM

MAYNILA - Umabot na sa higit 1,000 overseas Filipino worker (OFW) na na-stranded sa aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong buwan ang nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Pinakahuli ang 68 OFW na nakatanggap ng P5,000 ayuda nitong Martes.

Ayon sa DFA, umabot na sa P5.25 milyon ang naipamahagi ng kagawaran sa mga na-stranded na OFW matapos sumadsad sa NAIA runway ang eroplano ng Xiamen Airlines noong Agosto 16.

Pinaaalalahan naman ng DFA ang iba pang apektadong OFW na hindi pa nakakatanggap ng ayuda na maaari pa itong makuha hanggang Agosto 31. 

Pumunta lamang sila sa opisina ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa DFA Building sa Pasay City.

Ang mga OFW naman na nakaalis na ng bansa ay maaaring magtungo sa mga embahada o konsulada hanggang Setyembre 30.

Ayon sa DFA, dalhin lamang ang airline ticket na may naunang petsa ng departure; bagong ticket na may bagong petsa ng departure, employment contract at overseas employment certificate. - Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.