Pinoy naatasan bilang coordinator sa Papal visit sa Mozambique

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Aug 23 2019 05:00 PM

Si Jesus Leonardo (3rd from left), pangulo ng Holy Cross Church Council, kasama ang Zambian priest na si Fr. Fabian Kalaluka Mate at Allen Fernandez mula sa Indian community.


MAPUTO, Mozambique - Isang Pilipino mula Tuguegarao sa Cagayan ang nabigyan ng malaking papel sa pagbisita ni Pope Francis sa Africa sa Setyembre 4 hangang 6.

Si Jesus Leonardo ang naatasang makipag-ugnayan sa mga dadalo sa pagbisita ng Santo Papa sa bansang Mozambique.

"I believe that if there is a cooperation, there is unity and once there is unity, there is love," paliwanag ni Leonardo.

Vice principal ng Maputo International College si Leonardo at siya rin ang presidente ng Holy Cross Church Council sa Maputo.

May 10 taon na siyang nagtatrabaho sa Maputo at kasama na ang asawa at dalawang anak na naninirahan dito.

Gusto aniya ng simbahan na Pilipino ang mamuno sa coordination dahil flexible daw ang mga Pinoy at nauunawaan ang ugali ng ibang lahi.

Sa gitna ng hamon ng pagkakaroon ng iba't ibang kultura at lengguwahe, nakakaya umano ni Leonardo na pagbuklurin ang mga grupo at magkaisa para sa maayos na pagpaplano sa pagbisita ni Santo Papa.

Pinuri naman ni Oliviera Sitoe, isang abogado at youth leader ng Holy Cross Church, ang kakayahan ni Leonardo na isang magandang halimbawa ng isang lider.

"The way he encouraged all the members of the community who were from different nationalities, different countries and yet he was able to organize them in order to prepare for the pope’s visit," sabi ni Oliviera.

Sinang-ayunan naman ito ng Mozambiquanong madre na si Sister Olga Jose Massango.

"Jesus is very, very good and an effective leader and somebody who likes to bring the others to the next level. I think that he will be a good missionary in whatever he does," sabi ng madre.

Nakasalalay kay Leonardo ang paglilista ng mga dadalo at volunteers sa pagtitipon na magaganap sa Zimpetu Stadium sa Setyembre 6.

Paliwanag ni Leonardo, matiyaga niyang kinakausap isa-isa ang coordinators ng mga asosasyon at panay ang dasal para sa ikaaayos ng trabaho niya.

"Jesus has given his talents, his time really for our community so it will not be left out," sabi ng paring si Fr. Fabian Kalaluka Mate mula Zambia.

Dagdag niya, si Leonardo ay gumagalaw hindi lamang para sa kaniyang sarili kundi para sa komunidad at maparating ang mga impormasyon sa lahat.

"We are lucky to have a president who has a strong faith and who wants the visit of the Pope to be a success and that should be because of the efforts he has made," ani Fr. Fabian.

Nakatakda rin bumisita ang Santo Papa sa Madagascar at Mauritius matapos ang pagbisita sa Mozambique.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.