Mga Pinoy sa Paris dinumog ang screening ng 'Hello, Love, Goodbye'

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2019 07:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dumagsa ang mga Pinoy sa mga sinehan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa iba't ibang panig ng mundo para lang mapanood ang blockbuster movie na "Hello, Love, Goodbye."

Sa Dubai, tilian at hindi magkamayaw ang fans sa kaka-picture nang pumasok na sa sinehan sina Kathryn Bernardo at Alden Richards, na dumayo pa sa Middle East para pasinayanan ang premiere ng kanilang pelikula doon. 

Sa Paris, France din, dinumog ang premiere screening ng pelikula. Ayon sa mga overseas Filipino workers (OFW) doon, relate sila sa kuwento ng mga karekter ng pelikula.

"OFW kami so na feel namin every single moment ng movie. From beginning to end umiyak po kami talaga," sabi ni Vianca Vega.

"Talagang kuwento ito ng OFW kaya ako medyo napaiyak ako kasi naka-relate ako, 'yung malayo sa pamilya," ayon naman kay Irene Bagonon.

Maging sa Amerika, patok na patok din ang pelikula.

Unang tambalan ito nina Bernardo at Richards pero nais ng karamihan na magkaroon agad ng sequel.

Hindi naman tutol dito si Bernardo.

"Sabi nga namin ni Alden, this will be the start na parang unity na walang barriers dahil magkaiba lang ng network," anang aktres. 

Nitong Sabado lang, inanunsiyo ng Star Cinema na pumalo na sa higit P400 milyon ang kinita ng "Hello, Love, Goodbye."

—Ulat ni Maxxy Santiago, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.