4 na Pinoy hajj pilgrims patay sa Makkah

Charles Tabbu, ABS-CBN News

Posted at Aug 06 2019 11:17 AM | Updated as of Aug 06 2019 11:50 PM

Umabot sa 7,200 mga Pinoy pilgrims ang kasama sa taunang hajj sa Makkah, Saudi Arabia. Larawan hango sa video na kuha ni Prince Han Macalandong

MAKKAH, Saudi Arabia - Apat na Pilipinong kasama sa hajj pilgrimage sa Makkah, Saudi Arabia ang binawian ng buhay dahil sa atake sa puso. 

“We already have 4 mortality so far. Lahat iyon, apat are due to cardiac arrest or heart attack,” ayon kay Dr. Abdulnasser Masorong. 

Nailibing na ang apat na nasawi.

Kasama ang apat sa may 7,200 Pinoy pilgrims na dumating sa Makkah para sa taunang hajj pilgrimage.

Nasa 57 pataas ang edad ng mga nasawi na posibleng inatake sa pusok dahil sa tindi ng init ngayon sa Saudi Arabia.

“Halos umaabot ng 48 degrees (Celsius) 'yung temperature dito sa Makkah,” sabi ni Masorong.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ngayong Huwebes na mag-umpisa ang rituwal ng mga hajji at papunta sila sa Mina.

Payo ni Masorong na huwag basta lumabas at magbabad sa init kung hindi kinakailangan.

“Sa mga nakaraang araw, nagbibigay kami ng mga lectures, advisories tulad ng huwag maglabas sa kanilang hotel o kaya kung saan man sila naka-billet sa mga oras between 10 a.m. hanggang 4 p.m. kasi iyon yung mga time na masyadong maiinit sa labas. Pangalawa, kung kailangan silang lumabas, gumamit sila ng payong, uminom ng maraming tubig para maiwasan ang dehydration,” payo niya.

Nakaantabay din ang konsulado sa anumang assistance na kakailanganin ng mga pilgrims.

“From the consulate itself, ang mga kasama natin pumupunta lang doon to provide any assistance that they can give, in addition to what the medical team is already providing,” sabi ni Consul General Edgar Badajos ng Philippine Consulate General sa Jeddah.

Inaasahang milyun-milyong Muslims galing sa iba-bang bansa, ang darating sa Makkah ngayong buwan. Inaasahang mag-uumpisa ang hajj sa Agosto 8.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.