Communal gardening, kinahihiligan ng mga Pinoy sa Roma

Jocelyn Ruiz Roxas, ABS-CBN News

Posted at Jul 11 2019 12:45 PM

ROME, Italy – Pinagkakaabalahan ngayon ng ilang Pilipino sa Roma ang pagtatanim sa tinatawag na communal vegetable garden o mga bakanteng lote na kasalukuyang hindi ginagamit ng gobyerno. 

Pinapayagan ng munisipyo ng Roma na magamit ang ilang mga lote para sa pagtatanim bilang bahagi ng proyektong mapangalagaan ang kalikasan.

Isa ang Pinay at Italian citizen na si Zhenny Madrinico sa mga nagtatanim ng mga berdeng gulay at masustansiyang prutas sa hardin kasama ang mga kaibigan. Ginagawa nila ito bilang libangan din.
 
“Offered ng commune sa mga residents to clean the area at puwede tayong magtanim at sinabi ko sa mga kasamahan ko. Alam mo naman marami na tayong mga kababayan na oldies at kailangan natin ng libangan na after ng office hours to spend time lalo na summer at nakaka-release ng stress,” sabi ni Madrinico.

Kuwento naman ni Susan Pamplona, hindi madaling magsimula sa pagtatanim. 

“Noong una bungkal bungkal kami dahil ito talagang madumi at tinanggal namin ang damo kasi hanggang overhead ang damo, nagbungkal kami at saka nag-start ng pagtatanim ng rosemarino, basilica, presimolo, lahat ng odori kung tawagin,” sabi ni Pamplona. 

Sa bahay sila nagsimula sa pamamagitan ng paglalagay ng mga binhi saka inilipat sa hardin.

“Nakaani na ako ng mga kamatis at talong at siling mahaba para pag nagsinigang, may panlagay,” dagdag ni Pamplona.

Gumagamit sila ng abono at pataba pero iwas sila sa mga kemikal para natural ang paglaki ng kanilang mga tanim.

May iba na nagtayo pa ng kubo sa communal lot ng gobyerno para may pahingahan.

Ramdam nila ang gandang dulot ng pagtatanim sa kalusugan.

“Nakakaalis ng pagod, iyong parang nasa Pilipinas ka lang kaya 'pag may free time, nandito kami, tinitingnan ang mga halaman, dinidiligan ang mga tanim,” sabi ni Corazon Dasalia.

Para kay Lilia Abenir, ang pagtatanim ay nakatutulong sa kalusugan.

“Inspired ka. Kahit kumain na kayo ng marami nabu-burn mo kasi kapag nakikita mo halaman mo sumasaya ka,” sabi ni Abenir. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.