Bangayan ng bus driver, pasahero nauwi sa aksidente sa Indonesia; 12 patay

ABS-CBN News

Posted at Jun 17 2019 04:12 PM

Iniispeksiyon ng mga awtoridad ang isang sasakyang sangkot sa road accident sa Majalengke, West Java sa Indonesia noong Lunes. Aabot sa 12 tao ang nasawi sa aksidente, ayon sa pulisya. Handout picture

Labindalawang tao ang napatay habang nasa 43 ang nasugatan sa isang aksidente sa Indonesia ngayong Lunes nang subukang agawin ng pasahero ang manibela mula sa driver matapos silang magtalo, sabi ng pulisya.

Nangyari ang aksidente bandang ala-1 ng madaling araw Lunes nang banggain ng bus ang 2 sasakyan at pagulungin ang isang truck sa may West Java.

Nasa 43 tao ang nasugatan sa aksidente at itinakbo sa ospital, sabi ng pulisya.

Sa gitna ng biyahe, sinubukan ng pasahero na kuhanin ang manibela, dahilan para mawalan ng kontrol ang bus, sabi ni Atik Suswanti, pinuno ng Majalengka police traffic unit, sa news agency na Agence France-Presse.

Malubhang nasugatan umano ang 29 anyos na pasahero habang hindi pa malinaw kung ano ang lagay ng driver ng bus.

Noong Setyembre, hindi bababa sa 21 tao ang nasawi nang malaglag sa bangin ang isang bus sa Sukabumi sa may West Java. -- Isinalin mula sa ulat ng Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.