25 Pinoy detainee sa Qatar, binigyan ng pardon

Maxxy Santiago, ABS-CBN Middle East News Bureau

Posted at Jun 17 2018 05:43 PM

QATAR -- Binigyan ng pardon ng Amir ng Qatar na si Sheikh Tamim bin Hamad Al Than ang nasa 25 Pinoy detainee sa pagdiriwang ng Eid'l Fitr Linggo.

Taon-taon nagbibigay ng Amiri Pardon ang Qatar tuwing Eid'l Fitr.

Kasama sa 25 ang 18 lalaki at 7 babae na may iba't ibang kaso. May kaso ang 16 sa kanila ng estafa, 3 adultery, 3 theft, 2 sa ilegal na droga, at 1 ng physical assault.

Nasa Doha ngayon si Labor Secretary Silvestre Bello III para personal na magpasalamat sa gobyerno ng Qatar at para dumalo sa 120th Philippine Independence Day celebration ng mga OFW.

"Sa amin napakalaking gesture of goodwill and confidence-building measure ito galing sa pamahalaan ng Qatar. I'm very sure that not only our President but the entire Filipino nation is grateful to the Qatar government for this royal pardon of 25 of our overseas workers," aniya.

Pinasalamatan din ni Bello ang kaniyang Qatari counterpart na si Minister of Administrative Development, Labor and Social Affairs Dr. Essa Bin Saad Al Jafali Al Nuaimi sa pangangalaga sa mga Pinoy sa Qatar. 

Dumalo rin si Al Nuaimi sa Independence Day celebration. Pinuri niya ang kasipagan at katapatan ng mga manggagawang Pilipino. 

Pinasalamatan din niya ang may 240,000 na OFW sa Qatar sa kanilang hindi matatawarang serbisyo.

Ayon kay Philippine Ambassador to Qatar Alan Timbayan, inaayos na ngayon ng Philippine Embassy ang pag-proseso ng mga exit clearance ng 25 Pinoy sa pakikipagtulungan ng mga awtoridad para makauwi sila sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.