Babae arestado sa pagdakma sa maselang bahagi ng nobyo sa Amerika

ABS-CBN News

Posted at Jun 12 2019 06:47 PM

Inaresto sa Amerika ang isang babae matapos umano niyang dakmain ang maselang bahagi ng kaniyang nobyo hanggang sa dumugo ito.

Tumawag sa pulisya sa Florida noong madaling araw ng Hunyo 4 ang lalaki at nagreklamong inaatake siya ng kaniyang kinakasama matapos silang magkaroon ng pagtatalo, ayon sa ulat ng ng pahayagang Miami Herald na base sa isang police report.

Galit na galit ang suspek na si Katie Pitchford, 21 anyos, sa kaniyang nobyo hanggang sa dakmain at pigain niya ang maselang bahagi nito, ayon sa ulat.

Dumugo umano ang maselang bahagi ng lalaki, sabi sa ulat.

Nakatakas umano ang lalaki sa pag-atake ni Pitchford at nakahingi ng tulong mula sa pulisya.

Inamin ni Pitchford na nagtatalo sila ng nobyo pero sinabing wala raw sakitang nangyari.

Lumabas sa imbestigasyon na may kasong felony laban sa suspek dahil sa marahas niyang panlalaban sa isang pulis noong 2017.

Inaresto ang babae dahil sa reklamong battery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.