Pinoy na nasawi sa bus accident sa Dubai kinilala na

Rachel Salinel, ABS-CBN News

Posted at Jun 11 2019 03:25 PM

DUBAI - Nakilala na ang mga labi ng Pilipinong nasawi sa malagim na aksidente ng bus sa Dubai noong Eid holiday.

Ayon sa Philippine Consulate General sa Dubai, nakilala ang pasaherong Pilipino bilang si Marie January Ventura Gallardo, 37.

“The Philippine Consulate General will extend all necessary assistance to the family particularly in terms of the documentation and shipment of the remains of the deceased back home to the Philippines,” pahayag ni Consul General Paul Raymund Cortes.

Ang nakababatang kapatid nitong lalaki na mula pa sa Oman ang kumilala sa bangkay nito sa police morgue sa Dubai.
 
Isa si Gallardo sa 17 pasaherong nasawi nang maaksidente ang sinasakyan nilang tourist bus sa Al Rashidiya exit ng Sheikh Mohammed Bin Zayed Road sa Dubai nitong Hunyo 6.

Isang taon nang nagtatrabaho si Gallardo bilang physical therapist sa Jalaan Banu Bu Hassan sa South Sharqiyah sa Oman. Siya ay tubong Jones, Isabela at may naiwang dalawang anak.

Ayon sa mga ulat, may 31 pasaherong sakay ang Mwasalat bus nang madisgrasya kung saan 12 sa 17 namatay na pasahero ay Indian, dalawa ang Pakistani, at isang Irish, Omani at Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.