Arroyo, isinulong ang bilateral agreement ng Pilipinas sa Russia

Niel Caburnay Tero, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Jun 11 2019 10:32 PM

House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo kasama si ACT-OFW party list Representative John Bertiz sa Moscow. Niel Caburnay Tero, ABS-CBN News Europe News Bureau

Humarap sa Filipino community si outgoing House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo para ibalita sa mga kababayan ang mga napag-usapan sa pagitan ng Russian Federation at Pilipinas sa kaniyang 3 araw na pagbisita sa Saint Petersburg.
 
Isa si Arroyo sa mga resource speakers sa kakatapos lang na Saint Petersburg International Economic Forum noong Hunyo 6 hanggang 8.

“The main purpose of my visit in St. Petersburg was in order to add my voice to the advocacy that we should have a bilateral labor agreement between the Philippines and Russia," ani Arroyo.
 
Tatrabahuin na ng Pilipinas at Russia na magkaroon ng bilateral labor agreement at working visa para sa libo-libong undocumented Filipinos sa Russia.

Sa eksklusibong panayam ng ABS-CBN News, ibinihagi ni Arroyo sa Russian counterparts ang matagal nang hinaing ng mga Pilipino sa Russia — ang kawalan ng visa category para sa mga Filipino.

"If I am going to talk about the result I think the most encouraging was that the head of visa department was sitting next to me during our discussion and he said that he is open to our proposal [advocacy]. I hope that will move our advocacy forward,” dagdag ni Arroyo.

Dagdag pa ni Ambassador Carlos Sorreta, pinili ni Arroyo ang migration policy at economic development sa forum.

"'Yung mga kasama niya doon sa panel nag-agree din sa kanya na without our Filipino workers we can’t survive at iyon ang naging pakay niya tapos nu'ng dumating siya dito (Moscow) and met with the Filipino community kinuwento niya kung ano ang kaniyang pakay sa Saint Petersburg at dumaan siya dito para ma-meet kayo (OFW)," aniya.

Nasa humigit kumulang 5,000 ang mga Pinoy na kasalukuyang naninirahan at nagtatrabaho sa Russia at karamihan sa kanila ay walang maayos na papel o undocumented.

Kaya naman lubos na ikinatuwa ng mga kababayan ang balita ni Arroyo na matagal nang umaasa na maging legal ang kanilang status bilang household service workers.

“Masaya at nabigyan kami ng pag-asa dahil sa tinalakay namin tungkol sa ofw na nangangailangan ng tulong para sa pagkakaroon ng visa namin dito (Russia) at maging legal ang lahat," ani Rosalie Cabana, isang overseas Filipino worker sa Russia.

Legal employment at ligtas na working environment para sa mga overseas Filipino sa Russia ang target ni Arroyo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng bilateral labor agreement sa pagitan ng Pilipinas at Russia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.