Pito patay, nasa 50 sugatan sa pag-atake sa London

ABS-CBN News

Posted at Jun 04 2017 08:05 PM

Hindi bababa sa pito ang patay at nasa 50 ang sugatan matapos araruhin ng isang van ang grupo ng mga tao sa bahagi ng London Bridge.

Matapos sagasaan ang mga sibilyan, bumaba ang tatlong suspek sa van at pinagsasaksak ang ilang nasa kalye at kalapit na bar.

Tinatanong ng mga rumespondeng pulis ang ilang nakakita sa pag-atake malapit sa London Bridge. Hannah Mckay, Reuters
Nakataas ang kamay ng ilang taga-London habang umaalis sa lugar kung saan nangyari ang pag-atake. Neil Hall, Reuters
Rumesponde ang mga pulis sa pag-atake ng tatlong suspek malapit sa London bridge. Hannah McKay, Reuters

Napatay ang mga suspek nang mapa-engkuwentro sa mga rumespondeng pulis.

Naka-lockdown o sarado muna sa publiko ang London Bridge habang patuloy na iniimbestigahan ang pag-atake.

Tinawag ni British Prime Minister na 'terrorist attack' ang insidente.

Sa ngayon, kinukumpirma pa ng Department of Foreign Affairs (DFA) kung may nadamay na Pilipino sa pag-atake. Wala pang inilalabas na pagkakakilanlan ng mga biktima sa pag-atake.

Nananawagan naman ang DFA sa mga Pilipino sa London na iwasan munang pumunta sa mga lugar na malapit sa London Bridge, Borough Market, at Vauxhall area.

Nangyari ang pag-atake halos dalawang linggo lang matapos ang pambobomba ng suicide bomber sa concert ng US singer na si Ariana Grande sa Manchester. 

-- May ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.