Santo Papa hanga umano sa migranteng Pinoy

Jackie B. de Vega, ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 04:30 PM | Updated as of May 31 2019 04:42 PM

Malaki ang paghanga ng Santo Papa sa mga migranteng Pilipino sa buong mundo, ayon sa isang obispo na nakasama sa delegasyon ng Pilipinas na bumisita sa Vatican para sa Ad Limina Apostolorum noong nakaraang linggo.

Ibinahagi ni Bishop Bartolome Santos ng Diocese ng Iba, Zambales na naikuwento ng Santo Papa na mayroon siyang kaibigan na ang mga anak ay inaalagaan ng isang Pilipina.

“Tuwang-tuwa daw siya nang malaman niya na ’yung Pilipina ay nagtuturo ng panalangin," sabi ni Santos.

Hinangaan umano ng Santo Papa ang pananampalataya ng mga Pilipino kahit saan pa sila mapunta.
 
"Kaya hanggang sinabi niya mismo na ang mga Pilipino magpatuloy pa na kahit wala sa kanilang bansa at sila'y nagpupunta sa iba’t ibang bansa, dala pa rin ’yung pananampalataya,” ani Santos.

Ang pagbisita sa Vatican City ng mga obispo sa buong mundo ay ginagawa kada ika-5 taon. Pero ito ang unang opisyal na pagbisita ng mga obispo mula sa Pilipinas sa pamumuno ni Pope Francis.

“Kailangan naming makipag-ugnayan sa kaniya at binilinan niya po kami na laging maging ama sa mga pari at sa bayang ipinagkatiwala sa amin. At upang manumbalik din kami na ’yung ibig sabihin niyang Simbahang isa, apostoliko, nagkakaisang simbahan ay di lang po dinadasal, di lang po ipinapaliwanag, kundi ito ay nararanasan to be one in the Catholic Church,” paliwanag ni Santos.

Isang painting ng artist na si Aris Bagtas ang regalo ni Iba, Zambales Bishop Bartolome Santos sa Santo Papa sa kaniyang pagbisita sa Vatican. Contributed photo

Samantala, niregaluhan naman ni Bishop Santos si Pope Francis ng isang painting ng Ina Poon Bato na siyang patrona ng bayan ng Iba. Apo Apang kung tawagin ng mga Aeta, inilalarawan ng painting ang prusisyon ng mga katutubo at mga deboto ng Ina Poon Bato.

Hindi naman makapaniwala ang pintor na si Aris Bagtas na nakarating sa Vatican at natanggap ng Santo Papa ang kaniyang obra.

“Ang pakiramdam ko nu’ng makuha ng Pope ’yung painting ko, sobrang saya ko kasi birthday ko ’yun nu’ng iabot ni Bishop Bart Santos ng Zambales ’yung painting. Nag-uumapaw ’yung saya ko kasi ’yung painting ko ay nasa Pope na at ito ay painting na galing sa Pilipinas,” pahayag ni Bagtas.

Habang nasa Roma, binisita rin ng mga obispo ang Filipino communities doon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.