Nurses kailangan sa Germany at Saudi

ABS-CBN News

Posted at May 31 2019 07:13 PM | Updated as of May 31 2019 09:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangailangan ngayon ng mga Pinoy nurses ang Germany at Saudi Arabia, sa gitna ng pagtaas ng demand ng mga naturang nurse sa ibang bansa. 

May urgent hiring ngayon ang Philippine Overseas Employment Agency para sa 350 nurses sa Germany, kahit pa katatapos lang ng recruitment nila noong Marso. 

Aabot sa 480 nurse ang pumasa noong nakaraang hiring, na pinakamalaking quota na ibinigay umano ng Germany sa Pilipinas simula 2013. 

Paliwanag ni POEA Administrator Bernard Olalia, may labor shortage daw sa Germany. 

"May labor shortage sila… 'Yong mga private recruitment agencies ay nagpapadala in addition to this government track. Medyo malaki 'yung pangangailangan," ani Olalia. 

Kasama sa rekisito ang pagiging Filipino citizen at pagiging lisensiyado. Dapat din silang may 2 taong bedside experience sa mga ospital, rehab, o care institution. 

Kailangan din ng B1 level na German Language proficiency. Kung wala naman nito ay maaari naman daw sumailalim sa language training sa Agosto at Setyembre. 

Aabot sa €2,000 (P118,000) kada buwan ang sahod ng Pinoy nurse sa Germany. Maaari pang tumaas ang sahod sa €2,400 (P141,000) kapag kinilala na bilang isang kalipikadong nurse.

Ayon sa POEA inaabot ng hanggang anim na buwan ang buong proseso kaya umano umaatras ang ilang aplikante.

Samantala, aabot sa 1,000 nurses ang kinakailangan sa Saudi Arabia. 

Isang taong experience lang ang kailangan at walang language proficiency requirement. Pero madadagdagan umano ang sahod ng P4,000 kada taon. 

Kailangan lang magrehistro ang mga interesadong aplikante sa POEA website. Dapat ding personal na ipasa ang mga requirements sa Manpower Registry Division ng POEA main office sa Ortigas. 

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.