Employer, tiwalang hindi nag-TNT ang nawawalang OFW sa Amerika

Henni Espinosa, ABS-CBN North America News Bureau

Posted at May 17 2017 06:22 PM

CALIFORNIA - Patuloy pa rin ang paghahanap ng isang Chinese family at mga awtoridad sa nawawalang overseas Filipino worker sa San Francisco Bay Area.

Galing Hong Kong si Virgie Baliton at ang kanyang amo at bumisita lamang sa California. Hindi lubos maisip ng pamilya ng kanyang amo na sadyang nagtago si Baliton sa Amerika at nangangamba sila sa kanyang kaligtasan.

"Even though she works for us, we treat her like a family member," pahayag ni “Grace.”

Masakit para sa estudyanteng si Grace ang biglaang pagkawala ng matagal nang kasambahay ng kanyang pamilya, ang 41-anyos na Pinay na si Baliton. 

Nakiusap si "Grace" sa ABS-CBN na itago ang kanyang pagkakakilanlan dahil sa personal na dahilan.

Ayon kay Grace, tubong Pangasinan si Baliton at halos 14 na taon na ring naninilbihan bilang caregiver sa lola niyang naninirahan sa Hong Kong. 

Kararating lang sa Amerika ng Baliton kasama ang lola at iba pang kaanak upang dumalo sa graduation ni Grace sa UC Berkeley.

Pero sa araw ng graduation ni Grace noong Sabado, May 13, nawala si Baliton.
 
Alas-9 ng umaga, isang oras bago ang graduation ceremony, bumili ng kape at makakain sina Baliton at pamilya ni Grace sa Cafe Strada.

Sumakit umano ang tiyan ni Baliton kung kaya't nagpaalam siyang mag-banyo. 

Pero hindi umano available ang banyo sa cafe kaya naghanap siya ng iba sa labas ng coffee shop.

Iyon na ang huling pagkakita ng pamilya ni Grace kay Baliton.
 
Ilang oras daw nilang hinanap ang Pinay caregiver at ilang beses tinawagan sa cellphone ngunit dumeretso lamang ang mensahe sa voicemail. 

"We're super devastated. We just want her to come back safely. We're concerned about her safety. We're very sad. My family members are crying every night now. I just don't know what to do," sabi ni Grace.

Ini-report na ng pamilya ni Grace ang pagkawala ni Baliton sa pulis. Ilang beses na rin daw nilang tinatawagan ang asawa at panganay na anak ni Baliton sa Pangasinan pero hindi nila makontak.
 
Duda si Grace na sinadya ni Baliton ang kanyang pagkawala para mag TNT kahit pa breadwinner siya ng kanyang asawa't mga anak. 

"Knowing her, I don't think she's that kind of person. I've known her since I was five and she's always so nice to me. She knows my family relies on her by taking care of my grandma,” sabi ni Grace.

Dagdag pa nito, “She's just so amazing. I can't entertain the possibility that she ran away."

Mensahe ni Grace kay Baliton sakaling madinig ang kanyang interview: “We really want you to be safe. We really want you to come back. We love you. We need you."

Read more on Balitang America.