Ilang Pinoy sa Europa na di nakaboto, nagrereklamo

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at May 15 2019 01:13 PM

LONDON - Dismayado ang ilang Pilipino sa Europa dahil hindi sila nakaboto sa ilalim ng overseas absentee voting (OAV) na binuksan noon pang Abril. 

Ito'y dahil umano sa huli nang nag-abiso ang Commission on Elections (Comelec) na puwedeng humingi ng bagong pakete sa embahada kung hindi pa rin nakatatanggap ng ballot packets. 

Noong Biyernes lang daw nag-anunsiyo sa pamamagitan ng iba-ibang embahada. 

“Malayo pa po ang aking pinanggalingan, ang nangyari po nagpunta ako dito dahil wala po akong balota. Hindi po ipinadala sa akin ang balota kaya ako ay nagbabakasakali para ako'y makaboto,” sabi ni Edwin Santos, isang overseas Filipino worker sa Milan. 

Ganito rin ang sabi ni Lito Gandia na taga-Milan.

“Hindi po namin natanggap 'yung aming balota sa bahay so dumeretso na po kami dito para po kami ay makaboto,” sabi ni Gandia. 

Pareho rin ang reklamo ng ilang Pinoy sa Barcelona, Spain. 

Marami raw silang hindi nakaboto dahil late na dumating ang kanilang ballot packets. Huli na rin daw naipaalam sa mga komunidad na puwedeng magbigay ng balota ang konsulada sa Barcelona. 

“Sayang 'yung boto namin dahil noong dumating 'yung balota e one day before ng deadline dito sa Barcelona. Kaya hindi namin na-isubmit dahil kahit ipadala namin sa correo, hindi na rin hahabol. Kaya sayang,” sabi ni Cristita Florendo. 

May mga last-minute voter din. Tatlong minuto bago and cut-off time, dumating si Edralyn Abanador dala ang kaniyang balota na hindi pa nailalagay ang selyo. 

Masaya si Abanador nang maabutan niyang bukas pa ang submission window para sa mga balota sa embahada sa Roma. 

Pero ‘di naman sinuwerte si Gertrudes Vidad na taga-Roma na ‘di pasok sa cut-off.

“Dumaan ako ng alas-7, sarado sila. Alangan namang liliban pa ako sa trabaho ko,” sabi ni Vidad, taga- Roma. 

Nasa sa embassy websites at nasa loob ng pakete ng balota ang impormasyon hinggil sa cut-off time ng botohan sa Europa na alinsunod sa oras ng botohan sa Pilipinas. 

Isang buwan din ang itinakda ng Comelec para sa OAV, na nagsimula noong Abril 13.

Sa Europa, nasa Italy ang pinakamalaking bilang ng overseas absentee voters na higit 63,000, kasama ang bansang Albania at Malta. May 35,017 voters ang nasa Roma. 

Pangalawa naman sa dami ng bilang ng mga Pilipinong botante sa United Kingdom at Northern Ireland na may 32,000, sinundan ng Espanya na may higit 26,000. Sakop din nito ang mga bansang Morocco at Andorra. 

Sa Italy, sa kabuuang 37 presinto, 18 na ang may election returns at may 2,871 balota na ang nabilang. 

Sa UK, kalahati na ang nabilang, Martes ng umaga. -- May ulat nina Mye Mulingtapang, Jackie De Vega at Sandra Sotelo 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.