Mga Pinoy, humahabol sa huling araw ng OAV

Jackie de Vega, ABS-CBN News

Posted at May 13 2019 04:17 PM | Updated as of May 13 2019 04:18 PM

Hinahanap ng mga Pilipino ang kanilang pangalan mula sa Certified List of Voters sa loob ng Philippine Embassy sa Italy.

PARIS, France – Sinikap ng maraming Pilipino ang makahabol sa huling araw ng pagboto para sa midterm polls sa Pilipinas sa kabila ng mga isyung kinakaharap ng overseas voting sa iba’t-ibang panig ng mundo.

Bagama’t iika-ika, sinikap ni Maria Carolina Lariba na beripikahin kung mayroong balota na nakalaan sa kaniya. Tulad ng marami, umaasa siya ng pagbabago.

“Kahit pipilay-pilay okay lang ‘yan basta makaboto sa bayan. Wish ko lang maging peaceful na sa Pilipinas at magkaroon pa ng project na marami lalo na sa amin dahil biktima kami ng Yolanda,” sabi ni Carolina, isang overseas Filipino worker mula Leyte.

Laking pasalamat naman ng iba na nagdesisyon ang Commission on Elections na mag issue ang mga embassy ng panibagong ballots para sa mga hindi nakatanggap ng balota.

“Masaya dahil at least sa kahihintay ko akala ko masasayang yung boto ko, ito makakaboto pala ako,” sabi ni Joy Magayon.

Nakailang balik si Rica Magracia para mag-follow up sa kaniyang balota. Noong Biyernes, nakatanggap sila ng tawag mula sa embahada at nasabihang pwede nang na siyang bumoto.

“Frustrated na ako, ang sabi ko sayang naman ang boto ko,” sabi ni Magracia.

Ilang kababayan din ang dismayado sa anila'y hindi malinaw na instructions.

Ipinaliwanag naman ng embahada ang kanilang panig sa hindi nila pagbibigay ng assistance.

“Kasi po meron tayong regulations na kami o sa embahada, we’re supposed to be non-partisan…that is why meron pong instructions sa loob ng mailing packet and nakalagay naman siya sa English at Tagalog para po higit na maintindihan ng ating mga botante,” pahayag ni Consul Hans Mohaimin Siriban.

Pinuri naman ng isang poll watcher ang daloy ng botohan at pag-handle ng mga taga-embassy sa verification ng mga balota.

“Very friendly ang lahat and then yung suporta ng mga tauhan ng embahada saludo ako,” sabi ni Victoria Salvador, poll watcher ng PDP-Laban.

Sa kabuuang 4,932 registered voters, mayroong 1,512 ballots ang natanggap ng embahada as of May 12. Nasa 1,045 ang mga balotang valid, 57 ang invalid at 299 naman ang questionable.

Kasabay naman ng Mother’s Day, binigyan-diin ni Fr. Shierwin Cabunilas sa Brussels, Belgium na dapat mahalal ang mga kandidatong nagtataglay ng mga katangiang tulad ng isang ina.

“Before we go to the polls, it might help to ask whether the candidates we would elect exemplify the traits of a mother. Let us cast our votes peacefully and honestly. Our mothers would be happy to see us do so,” sabi ni Cabunillas.

Para naman sa ilan, mahalaga daw na maluklok ang mga susuporta sa mga nasimulan na ng kasalukuyang pamahalaan.

“Ang mahalaga po sa akin ay yung taong tutulong sa ating presidente na ipagpatuloy yung mga nagagawa na ng ating president,” ani Tessa Conrado.

Kumpyansa naman si Ambassador to Brussels Eduardo Jose de Vega na maraming botante pa ang makahahabol bago magsara ang botohan.

“I’m pleased to report na so far, consistent ang turnout dito sa Belgium and Luxembourg tulad ng halalan ng 2010 and 2016,” sabi ni De Vega.

Sa Moscow, Russia, umabot na sa mahigit 50 percent ang kabuuang botante matapos ang puspusang field voting ng embahada. 

“Everything is going well so far, we’re almost hitting the 50% sa mga botante kasama na ‘yong mga na mail na ballots tapos ‘yong aming mga field voting sa Armenia, sa Kazakhstan at sa St. Petersburg at Yakutsk…so we are hitting the 50% out of about 2,186 voters,” pahayag ni Ambassador Carlos Sorreta. 

Naging problema naman ang layo ng voting precinct at pagpapalit ng address ng mga botante sa Venice, Italy.

“I-exercise natin yung right to vote natin. Ang tagal ko nang hindi nagboto. Dapat may pumunta na lang dito sa mga sona sona, ‘yun ang mas maganda,” sabi ni Aida Gutierrez.

Sa Rome, hindi naman nagpapigil ang mga Pinoy na makaboto sa kabila ng malakas na pag-ulan. Magkakasukob sila sa payong huwag lamang mawala sa pila.

Napilitang rin silang magsiksikan sa consular service section matapos ilipat rito ang issuance ng mga balota. Dahil sa kawalan ng sapat na espasyo, animo'y wala nang privacy ang botante sa pagsagot ng kanilang balota.

Ayon kay Ambassador Domingo Nolasco, importante ang postal voting bilang mode of voting sa bansa na katulad ng Italya.

“Yung mga Filipino nakatira sa halos lahat ng parte ng bansa. Kung ‘di ka magpo-postal voting, yung mga kababayan natin na nandudoon sa south, or sa north, hindi sila makaboboto kasi it will be very costly for them to go to the embassy to personally cast the vote,” saad ni Nolasco. 

Para naman kay Arnold Noche na taga Ancona, kinailangan niyang bumiyahe ng nasa 4 na oras para ihatid ng personal ang 43 na balota mula sa ibang Pinoy sa Ancona.

“Nagboluntaryo lang ako na dalhin ang balota nila kasi dumating Friday, hindi na talaga aabot kahit ihulog nila ito,” sabi ni Noche. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.