Ilang mga Pinoy sa Italya, hindi pa nakatatanggap ng balota

Jackie de Vega, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at May 09 2019 10:20 PM

ROME, Italy—Nasa huling linggo na ng voting period para sa mga Pilipino sa ibang bansa, pero ang ilan sa kanila sa lungsod na ito, hindi pa rin nakatatanggap ng balota.

Isa si Blas Trinidad Jr. sa mga hindi pa nakakakuha ng kaniyang balota. Dahil dito, minabuti niyang pumunta sa embahada ngunit bigo pa rin siyang makaboto. 

“Ang sabi nila kapag hindi dumating ang balota within 3 to 4 days, mga first week of May, makakaboto ka. Walang nangyari ngayong araw na ’to," aniya.

Umaasa naman si Marcela Vidad na matatanggap ang kaniyang balota sa mga susunod na araw. 

“Wala akong magagawa kung naihulog na, kaya hintayin ko na lang. I hope na makakarating bago mag-end ng eleksyon. Kaya I hope na after 3 days, meron na," aniya.

Bagama't nangangamba ang ilang kababayan, ayon naman sa embahada, walang resolusyon na inilabas ang Commission on Elections (Comelec) para sa personal voting sa embahada. 

“As of now, Comelec has not issued a resolution authorizing the embassy to conduct personal voting," pahayag ng embahada.

Isa sa mga Filipino community leader si Trinidad at batid din niyang problema ang kawalan ng konsultasyon sa komunidad. 

"At bago sila nag-conduct na mag-mail ng mga pagbobotohan, dapat nag-consult muna sila sa public na ito ang gagawin namin. Kasi 'yung iba nag-transfer na (ng tinitirahan)," aniya. 

Sa gusali kung saan nakatira si Nino Gunda, 11 ballot packets ang ilang araw nang nakatambak sa corridor. Isa sa mga balota, bukas na. 

“Bawal naman tayo humawak ng mga balota na ’yan, ayokong pakialaman. Baka maglinis 'yung tagalinis dito, baka itapon na lang ’yan," aniya.

Ipinaliwanang naman ng embahada na kung sakaling may magtangkang gumamit ng mga balotang naiwan ay malalaman ito ng Special Ballot Reception and Custody Group (SBRCG).

"As regards the envelopes left, the ballots inside will not be voted upon except by the registered voter to whom said ballots were assigned. The ballot envelopes and paper seals have unique numbers assigned to a particular voter and the Special Ballot Reception and Custody Group (SBRCG) also has a copy of the signature of the voters for verification. In case someone other than the voter tries to use them, the Special Ballot Reception and Custody Croup would know it," paliwanag ng embahada.

Ang ina ni Karen Ocampo, 3 taon nang pumanaw ngunit laking gulat ni Ocampo nang makatanggap siya ng balota para sa ina. 

“Isu-surrender ko nga siya sa embassy pero sana may assurance ako na hindi magagamit. Tsaka naisip ko rin baka marami ring same cases ng kay mama na may balota pa kahit na wala na sila,” aniya.

" ’Yung gusto ko malaman kung may kailangan akong gawin para malaman na . . . wala na si mama."

Sinigurado rin ng embahada na hindi magagamit ng ibang tao ang balota ng isang namatay na.

"Concerned voter's next of kin is advised to update the voting records of their deceased family members on the next registration period," pahayag ng embahada.

Nagtataka naman si Salome Gorospe kung bakit may dumating na ballot packet para sa kaniyang kapatid na si Mary Manaog. Umuwi na sa Pilipinas noong Marso si Manaog ngunit nakatanggap pa rin si Gorospe ng 2 magkaibang ballot packets para sa kapatid.

Ang isa sa mga balot, gamit ang married name ni Manaog habang ang isa naman ay pangalan noong dalaga pa ito ang nakalagay.

“Pero itong 2 ito, iisa lang ang may-ari, isang tao lang ito. Bakit 2 envelope ang dumating" Siyempre isasauli ito sa embassy dahil wala naman gagamit nito, wala siya, nasa Pilipinas na. So ito ang mangyayari, ibabalik namin sa embassy," paliwanag ni Gorospe.

Iniimbitahan naman ng embahada na magbigay ng sinumpaang salaysay si Gorospe upang maipaabot rin ito sa Comelec.

“This case should be reported formally to the embassy for proper verification. Since the incident on 14 April when two ballots were found inside the mailing packet of a voter, the embassy double checked the contents of the mailing packets prior to mailing the ballots on 16 April and found no such two ballots. Hence, these cases need further verification. Ms. Gorospe is advised to issue a sinumpaang salaysay/sworn affidavit so that the embassy can refer the same to Comelec," pahayag ng embahada.

Bagama't walang opisyal na bilang na inilalabas, kapansin pansin ang dami ng mga balota na ipapasok sa mga voting counting machine (VCM) kumpara sa mga nakaraang linggo.

Simula noong May 8 hanggang May 11 ay araw-araw na ang ballot feeding. Itutuloy ito sa Lunes, May 13, mula alas-9 ng umaga hanggang maubos ang mga balotang natanggap.

Inaasahan pa rin ang pagdating ng iba pang mga balota mula sa iba't ibang panig ng Italya na sakop ng jurisdiction ng embahada sa Roma, kabilang na ang mga bansang Malta at Albania.

Ang Roma ang may pinakamataas na bilang na mga Pilipinong botante sa Europa na may 35,017 registered voters, ayon sa Comelec.