Puhunan at mga trabahong alok sa mga uuwing OFW, sapat nga ba?

Gigi Grande, ABS-CBN News

Posted at May 08 2018 09:56 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umuwi sa Pilipinas si Coney Galvez noong nakaraang taon dahil sa mapait na karanasan sa kamay ng kaniyang employer sa Kuwait.

Bukod kasi sa mabigat na mga gawain sa trabaho, dinuduraan din siya ng kaniyang mga alaga at sinasaktan ng amo.

"Binasa lang po niya ng bimpo 'yong bibig ko tapos sinubsob niya ako doon sa unan tapos dinaganan niya ako tapos pinagtatadyakan niya ako. Nagdilim na lang paningin ko," kuwento ni Galvez sa ABS-CBN News.

Ngayong nakauwi na sa Bulacan, abala si Galvez sa tindahang binuksan niya gamit ang P20,000 cash mula sa programang "Balik Pinas, Balik Hanapbuhay" ng gobyerno. 

Pero aminado si Galvez na hindi kalakihan ang kaniyang kinikita ngayon kumpara sa suweldo niya sa Kuwait.

Kung P19,000 kada buwan ang suweldo niya noon sa Kuwait, wala pang P5,000 ang kikitain ng kaniyang tindahan ngayong buwan.

"Nakakatulong naman kaya lang hindi 'yong totally talagang nasa abroad ka na makakabili ka minsan ng gusto mo," aniya.

"'Pag nandidito, 'yong sa pagkain lang tsaka 'yong panggastos sa pang-araw-araw," dagdag ni Galvez.

Hangad umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na pauwiin ang libo-libong overseas Filipino worker (OFW) sa pagtatapos ng kaniyang administrasyon.

"Ang end game ng presidente is very clear. Repatriate all our countrymen if possible. That is why he's into this 'Build, Build, Build' program," sabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III.

Trabaho o puhunan sa negosyo ang pangako ng gobyerno sa mga uuwing OFW.

Pero gaya ng naranasan ni Galvez, maliit ang kita sa negosyo at mahirap makakuha ng trabaho.

"Mag-a-apply ako [ng trabaho] tapos may mag-a-apply na tapos ng college. 'Yong nakatungtong ng college, sila 'yong kukuhanin kaysa sa 'kin," ani Galvez. 

Ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, karamihan sa inaasahang mga bagong trabaho sa "Build, Build, Build" program na ibinibida ng gobyerno ay para sa construction workers.

Ayon naman sa IBON Foundation, tumaas ang bilang ng underemployed.

Mas marami umano ang naghahanap ng dagdag na trabaho para tumaas ang kita. 

Nasa 30,000 OFW ang tinatayang babalik sa bansa ngayong taon, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Bukod sa mga nasa Kuwait, apektado rin ang mga OFW sa Saudi Arabia, Oman, at Qatar matapos magpatupad ang mga bansa ng mga polisiyang binibigyan ng prayoridad ang kanilang mga mamamayan na magkaroon ng trabaho sa halip na mga banyagang manggagawa.

Pero kumbinsido sa Galvez na hindi sapat ang kita sa Pilipinas para mabigyan ng magandang kinabukasan ang pamilya.

Maghahanap lang daw siya ng trabaho sa ibang bansa, huwag lang sa Middle East.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.