Ballot receptacles na selyado ng tape, pinuna ng mga Pinoy sa France

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at May 07 2019 05:28 PM

Paliwanag ng Philippine embassy sa France na awtorisado ang ginagamit nilang ballot receptacles. Ito'y matapos na punahin ng ilang watchers ang mga ito dahil sa nakaselyo ito gamit lang ang brown plastic tape. Larawan mula kay Cory De Jesus

Pinuna sa social media ng Filipino community sa France ang ballot receptacles na sinelyohan lang sa pamamagitan ng brown plastic tape.

Ayon sa poll watcher na si Victoria Milgar ng Katipunan ng Demokratikong Pilpino (KDP), ngayon lang siya nakakita nito.

“Ngayon lang ako naka-encounter ng ganyan dahil nag-watcher din ako sa Pilipinas. Normally, talaga 'yung box ay nakasusi na hindi mo binubuksan araw-araw na akala ko 'yung box nakasusi, bubuksan lang ‘yun pag-counting na talaga. Pero dito naka-seal nga lang ng tape sa gilid,” sabi ni Milgar. 

Kinontra naman ito ng isa ring watcher: “Wala naman akong makitang problema kasi binasa ko naman 'yung resolution. Syempre ganun talaga, bubuksan mo talaga kasi ise-seperate mo. Doon mo malalaman kung valid o invalid ang balota. Hindi naman binabasa kung sino 'yung binoto mo kaya para sa akin OK lang dahil 'yun ang proseso,” sabi ni Emelita Aguilon, poll watcher ng Liberal Party. 

Paliwanag naman ng embahada, ang mga ballot receptacle ay awtorisado ng Commission on Elections (Comelec). Gamit ang mga ito sa overseas absentee voting (OAV) na nagsimula noong April 13 at magpapatuloy sa loob ng isang buwan.

“Ito po ay selyado po and countersigned by the poll watchers. During the first day when we started the election on April 13, sineal po namin 'yung sides and every day chin-echeck po ng watchers ‘yan pag binubuksan na po natin 'yung slot para paglagay ng ballots every day for the verification of the envelopes. So we assure all our voters that the ballots that we have received are secure,” saad ni Consul Hanz Sikiban ng Philippine Embassy sa France. 

Dahil ang France ay nagsasagawa ng postal manual voting, kailangan daw buksan ang ballot receptacles para sa verification na nakatakda sa Comelec Resolution 10495, ang general instructions para sa pagtanggap ng balota sa OAV.

“We do daily verification of ballot envelopes so we classify them whether they are valid, invalid or questionable ballots,” sabi ni Sikiban.

Sa London naman, nagkaisa ang Filipino pastors at Jewish community upang ipagdasal sa tradisyon na ‘shofar’ ang malinis at mapayapang halalan sa Pilipinas. Sa taimtim na pagdarasal, nagsanib puwersa ang iba-ibang Christian congregation para sa matagumpay na halalan sa Pilipinas.

“Tonight the Churches in London pastured by Filipinos gathered here at Shepherd’s Bush to pray for the National Elections and we pray for honesty, integrity, peaceful election non-violent election. We pray for the voters and the candidates to be honest,” sabi ni Virgil Hanujan, head pastor ng Abundant Grace Ministry. 

Ipinagdasal din ng mga pastor si Deputy Chief of Mission Frank Cimafranca bilang representante ng gobyerno ng Pilipinas.

“The role of the staff of the embassy, members of the different electoral boards is to ensure that our kababayans abroad, especially here in London and the rest of the UK, will be able to cast their votes and to ensure that their ballots packet will reach them on time before the election on May 13,” sabi ni Cimafranca. 

May higit 32,000 registered Filipino voters sa UK at Northern Ireland. Sa France, umaabot sa 4,932 ang registered voters, kabilang ang Monaco na may 18 Filipino voters. 

Pero matumal ang balik ng mga balota sa mga embahada. Sa UK at Northern Ireland, umabot pa lang sa 2,854 ballots ang natatanggap ng embahada, habang 818 ballots naman sa France. 

Dahil dito, hinikayat ang mga botante na maging agresibo hindi lang sa pagboto kundi pati sa paghihintay sa kanilang balota. Siguruhing bumisita sa website ng embahada para sa mga bagong anunsiyo. – May ulat nina Cory De Jesus at Babo Gamboa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.