Postal voting sa Italya, inireklamo ng mga OFW

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2019 05:46 PM

MILAN, Italy - Mahigit isang linggo na nang magsimula ang overseas absentee voting pero ang mga Pinoy sa Italy tila lito pa rin sa tamang proseso bunsod ng pagbabago sa pamamaraan ng pagboto. 

Ayon sa community leader sa Florence na si Mario Nario, may mga problema sa pagbabago ng paraan ng pagboto ngayong midterm election. 

Dati umanong mixed mode o personal at postal voting ang ipinatutupad sa Italya. Dahil postal voting ang sinusunod, marami pa rin ang nag-aantay na matanggap ang kanilang mga balota.

“Sa Florence ay marami pa rin ang ‘di nakakatanggap ng kanilang mga balota. Marami sana ang makakaboto dahil doon sa field voting pero masyadong late na yung announcement ng embassy na kasabay ng outreach ang field voting,” sabi ni Nario.

Mababa rin ang bilang ng mga botante sa Milan sa unofficial count na ibinigay ng konsulado sa interview ng ABS-CBN News kay Consul General Manuel Mellejor Jr. noong Abril 25.

“As of today, we have more than 300. No field voting approved by Comelec (Commission on Elections) for Milan. Doon sa figures, ‘di pa kasi maituturing na count ‘yan dahil sa 13 May 2019 pa ang canvass. We can only refer to received return ballot envelopes at ayaw rin namin pangunahan ang Comelec dahil deputized lang kami sa jurisdiction namin,” sabi ni Mellejor.

Sa Roma naman, isyu ang pagbabayad ng postage stamp sa pagpapadala ng electoral mail pabalik sa embahada.

“Mahirap sa iba nating kababayan na magpunta pa ng post office at magbayad para ipadala ang kanilang balota. Ayaw nating isipin na sinasadya ito ng Comelec para mawalan ng ganang bumoto ang ating mga kababayan para tuluyan na nilang ihinto ang pag-exercise natin ng ating right to suffrage at tuluyan nang ma-disenfrancise tayong mga migrante OFWs. Huwag naman sana,” sabi ni Gardo Bonzon, OFW sa Roma.

Sa opisyal na pahayag ng Migrante sa Italya, naniniwala ang grupo na magreresulta ng higit pang pagliit ng bilang ng mga botante ayon sa bagong patakaran ng pagboto.

“Sa paraang postal voting lamang, ang mga botanteng nakalipat na ng tirahan matapos ang taong 2016 ay hindi na makakaboto dahil hindi na niya matatanggap ang ipapadalang ballot packet. Higit itong pinalala ng pagbibigay ng deadline sa ating mga kababayan ng pagsusumite ng form ng kanilang pagbabago ng tirahan at ng request para sa personal na pagkuha ng ballot packet,” ayon sa Migrante.

Ayon sa datos ng Comelec, nasa 63,623 ang bilang ng registered voters sa Italy.

Sinigurado naman ng konsulado na matatanggap ng mga kababayan ang kanilang ballot packets at hinikayat din na ihulog sa koreo o ihatid ng personal sa konsulado bago ang deadline upang maiwasan ang aberya.

“Most ballot packets are in the mail except for those who chose to pick up. Those who gave Consulate address as their address and those with incomplete address. We will campaign for our voters not to spend too much time after they receive the ballot packet. The earlier they send their ballot packets, the better,” sabi ni Mellejor.

Samantala, nagpaalala rin si Ambassador Domingo Nolasco na mananatiling bukas araw-araw ang embahada sa Rome para tumanggap ng accomplished ballot packets.

"Paki-check lang ang aming update araw-araw, nag-uupdate kami nung mga natatanggap namin na return to sender. Yung mga naglagay ng address na c/o Philippine Embassy o Medaglia d'Oro, nasa amin po ang kanilang mga balota, so paki-check na lang doon sa mga kababayan natin na nandun sa listahan," sabi niya. 

Hinimok niya ang mga mga botanteng Pilipino na nasa listahan ng Certified List of Voters na huwag din mag-alala.

"Pakihintay lang ho dadating ho sa inyo yung mail ninyo," sabi niya.

Magtatapos ang Overseas Absentee Voting sa May 13. Ang mga return envelope ay kailangang matanggap ng embahada at konsulado bago ang ika-12:00 ng tanghali sa huling araw ng botohan.

Tiniyak naman ni Nolasco na inakyat na nila sa kinauukulan ang insidente ng pagkakatagpo ng campaign paraphernalia sa voting area sa embahada sa Rome.

"Kung ano yung appropriate action, inform naman kami. Basta kami, report lang kung ano makita namin, ano maobserve namin, anong incident, nakareport lahat yun because we take instructions from the Comelec," ani Nolasco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.