Paalala sa absentee voters sa UK: Ballot selfie, ipinagbabawal

Rose Eclarinal, ABS-CBN News

Posted at Apr 17 2019 02:26 PM

LONDON – Pinaalalahanan ng Philippine Embassy in London ang mga Pilipinong overseas absentee voters na bawal ang pagkuha ng retrato ng kanilang balota at ang pag-upload nito sa social media.

“This is consistent with the rules and regulations ng Comelec (Commission on Elections) kasi taking a picture of your ballot and posting it in public places like social media is an election offense and it is punishable [by] up to 6 years in jail, because this violates 'yung ballot secrecy and sanctity of your ballot,” sabi ni Consul Stacy Alcantara. 

Ayon kay Alcantara, may mekanismong nakalatag para tiyakin ang integridad ng halalan ngayon taon.

Hinimok naman ang lahat ng mga Pilipino na gawin ang obligasyong bumoto sa halalan.

Sa UK at Northern Ireland, postal voting ang sistema ng pagboto. Hinihikayat ang lahat ng registered voters na tiyakin muna kung nai-mail na ang kanilang balota. Kung hindi pa, puwede itong kunin sa embahada. 

“Puwede nilang makuha, puwede din nilang iwanan 'yung mga balota and it will be received by our Special Ballot Reception and Custody Group. Sila po 'yung may pag-uutos ng Comelec na may kapangyarihan na tumanggap ng balota na dinadala in person,” sabi ni Consul General Senen Mangalile. 

Dalawang araw lamang kada linggo ang itinakda para sa pag-feed ng balota sa vote counting machines.

“So 'yung feeding of the ballots sa vote counting machines (VCM) takes place every Mondays and Thursdays starting 9:00 and that happens throughout the voting period. It is done in the presence of the watchers and mga interested public who want to observe and then we also stream that live sa Facebook to promote transparency in the process,” paliwanag ni Alcantara. 

Noong unang dalawang araw ng eleksyon, 16 na balota ang nai-feed sa VCMs. Nagsimula ang absentee voting para sa mga Pilipino overseas noong April 13 at magtatapos sa May 13.

VCM TESTING 

Sa Italy, nagkaroon ng final testing at sealing ng mga VCM sa Philippine Consulate General sa Milan bago ang opisyal na pagbubukas ng overseas absentee voting.

Pinangunahan ito nina Consul General Irene Susan Natividad at Consul Manuel Mellejor Jr., kasama ang Special Board of Election Inspectors at volunteer poll watchers noong Abril 8. 

Nagsagawa rin ng mock election gamit ang sample ballots. 

“Kayo po ay aking hinihikayat na gamitin po ang inyong karapatang bumoto sa darating na halalan. Mayroon po kayong isang buwan,” sabi ni Natividad. 

Sa London, sa pangunguna din ng Special Ballot and Reception and Custody Group at Special Board of Election Inspectors, at sa harap ng accredited media at poll watchers isinagawa ang pag-sampol ng selyadong Smartmatic VCMs. 

May mock voting rin para maipakita ang sistema ng pagbibilang. 

“For the purposes of election this year, all the registered voters are eligible to vote for candidates for senator as well as for party-list representatives. The canvassing of votes will take place here at the Philippine embassy here in London,” sabi ni Ambassador to the UK Antonio Lagdameo. 

Kasama sa 1.8 milyong overseas absentee voters sa buong mundo ang higit sa 32,000 voters sa UK, 62,920 sa Italy, at 703 sa Vatican. -- May ulat nina Mye Mulingtapang at Babo Gamboa

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.