Pinoy nurse sa London pumanaw habang naka-quarantine

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Apr 09 2020 08:45 AM | Updated as of Apr 09 2020 09:42 AM

LONDON - Pumanaw ang isang Pilipinong nurse dito habang naka-self quarantine dahil sa mga sintomas ng COVID-19. 

Nitong Marso 24, nakapag-post pa sa Facebook ang 51-anyos na si Donald “Dondee” Zuelto na mayroon siyang pasyente na may lagnat, ubo at ilan pang sintomas ng COVID-19 sa Barts Health National Health Service (NHS) Trust sa London. 

Nag-quarantine si Zuelto sa kaniyang flat, kung saan siya mag-isang nakatira. Nasa isang linggong may constant communication ang nurse sa kaniyang mga kaibigan, pero naputol anila ito noong Abril 5. 

Nag-alala ang mga kaibigan at kaanak sa Scotland ni Zuelto kaya iniulat nila ito sa mga awtoridad. Kinailangan pang maideklarang nawawala ang nurse bago napasok ng mga awtoridad ang kaniyang flat nitong Miyerkoles, dahilan para madiskubreng pumanaw na siya. 

Kinumpirma ng London police na nahawa si Zuelto ng pasyente at nag-self isolate dahil sa mild symptoms nang mamatay. 

“It’s sad that this has happened,” sabi ng kaibigan niyang si Jimmy Wong, na dati ring nurse. “We have to be really extra careful. It’s a deadly virus.” 

Tubong Negros Oriental si Zuelto na siya ring breadwinner ng kaniyang pamilya at tumutulong na mapag-aral ang 3 pamangkin, ayon sa kaniyang mga kaibigan. 

Hindi pa malinaw ang plano ng pamilya Zuelto pero nagsimula nang mangalap ng tulong na pinansyal ang kaniyang mga kaibigan sa tulong ng GoFundMe website. 

Mayroong nasa 18,000 Pilipinong health worker sa United Kingdom. Pumapangalawa sila sa India pagdating sa may pinakamaraming foreign medical workers doon. 

Hanggang nitong Abril 7, nakapagtala na ng 60,733 kaso ng COVID-19 sa UK, kabilang na ang 7,097 pasyenteng nasawi. Kabilang si UK Prime Minister Boris Johnson sa mga tinamaan ng naturang respiratory disease. Nasa intensive care unit pa rin siya nitong Miyerkoles.