Pinoy groups pabor sa lockdown extension sa North Italy

Maricel Burgonio, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 01:37 PM

TORINO, Italy - Pabor ang ilang Filipino group sa hilagang Italya sa pag-extend ng lockdown hanggang Abril 13 para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Ito ay sa kabila ng pagkawala ng trabaho ng mga manggagawang Pinoy.

Anila, inaasahang makatutulong para mabawasan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung palalawigin pa ang lockdown.

“Kahit ramdam ang hirap ng walang income nang karamihan ng mga Filipino dito sa Torino, agree pa rin ako na i-extend ang lockdown para tuluyan nang mapababa ang curve ng mga infected at mabawasan ang pagdami ng nahahawahan lalo na sa mga walang sintomas,” ayon kay Rosalie Cuballes, presidente ng Filipino community group sa Torino na ACFIL o Associazione Culturale Filippina del Piemonte.

Aniya, importante ang magbunga ng kabutihan ang pagsakripisyo ng lahat.

Maraming Pinoy ang nawalan ng trabaho dahil sa mabilis na pagkalat ng virus sa bansa, mula sa mga sector ng domestic at turismo.

“Nagsakripisyo na ang lahat kaya kung kailangan pa dagdagan ang pagsakripisyo para sa kapakanan ng lahat, ok lang," ayon pa kay Cuballes.

May mga nagbibigay ng tulong sa mga OFW sa Torino, tulad ng ACFIL na naghahatid ng mga food packs sa mga nangangailangan.

“May mga mabubuting puso na kinatok ang Panginoon, may mga nagde-deliver sa amin,” ayon kay Maritess de Villa, isang OFW sa Torino.

“Para sa akin nakabubuti (ang lockdown) para makatulong sa gobyerno para hindi na lumala...kaso paano ang mga taong wala nang pambili ng pagkain? Wala namang tulong ang gobyerno dito,” dagdag pa ni de Villa.

Magbibigay ang gobyerno ng Italya ng food shopping vouchers kung saan maari nang mag-apply ang mga nangangailangang Pinoy na nawalan ng trabaho. 

Wala namang tulong ang dumarating pa mula sa gobyerno ng Pilipinas. Nagpahayag lamang ito noong una ng one-time P10,00 cash assistance sa mga miyembro ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Tuloy-tuloy namang tumataas ang bilang ng mga gumagaling sa virus. Bumababa na rin ang bilang ng mga namamatay kada araw.

Ayon sa Ministry of Health ng Italya, umabot na sa 83,049 ang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 13,915 ang namatay at 18,278 naman ang gumaling sa sakit.

Samantala, sang-ayon din si Rhoderick Ople ng Task Force COVID-19 OFW Watch Italy sa pag-extend ng lockdown sa Italya.

“Marami pa rin ang namamatay, at kahit maraming nakaka-recover,” ayon kay Ople.

Sinabi naman ni Mario Pedrialva, presidente ng Federation of Filipino Associations in Piemonte (Fedfap), makabubuti sa lahat ang pag-extend ng lockdown, kahit mas mahaba pa sa Abril 13 extension.

“Pero 'di lang dapat April 13, dapat pahabain pa, kasi delikado pa ang sitwasyon. Kahit nababawasan ang kaso, marami pa rin,” ayon kay Pedrialva.

Nagsimula ang lockdown sa Italya noong Marso 10, kung saan ipinatupad ang Stay at Home policy matapos na mabilis dumami ang positive cases at bilang ng namatay sa Lombardy region.