Pinay domestic helper namatay dahil sa COVID-19 sa Italy

Mye Mulingtapang, ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2020 02:22 AM | Updated as of Apr 03 2020 02:40 AM

Pumanaw ang isang 73-taong-gulang na kasambahay sa Milan, Italy nitong Lunes dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Si alyas Amelia ay mahigit 30 taon nang nagtatrabaho sa Italya. 
Nakaramdam siya ng sintomas ng COVID-19 noong March 25 at itinakbo agad sa ospital, kinumpirma ng anak niyang si "Bryan" sa isang panayam sa ABS-CBN News.

"Mga two weeks na pinagsaktan siya ng ulo. May record kasi siya ng migrane noong una. Pero matagal ng hindi nagkakasakit siya ng migrane. Ngayon ay masakit ng masakit ang kanyang ulo. Tapos eh pagkalipas noon eh nag-diarrhea siya. Tapos yun nilagnat na siya," ani Bryan.

Galing pa sa trabaho ang kanyang nanay bago siya nakaramdam ng sakit ng ulo, diarrhea at lagnat.

"Pinagtrabaho pa ng amo 1 week bago mag-lockdown. Pinagtatrabaho pa siya ng amo. Sa ngayon wala pa, ang alam lang namin namatay siya. Tapos doon wala kaming kaalam-alam kung ano nangyari sa nanay ko. Tatawagan pa kami after a week," ani Bryan.

Emosyonal ang pamilya sa pagpanaw ni Amelia.

"Siyempre emotionally broke ako. Atsaka ito nga yung health namin. Hindi kami nakakasiguro. Prayer na lamang ang aking pag-asa," dagdag pa ni Bryan.

Kinabukasan March 31, nasa ospital na rin si Bryan dahil sa pagkakaroon ng sintomas gaya ng matinding ubo. Kasamang isinugod si Bryan ang kanyang asawa sa ospital.

"Actually tatlo kami kapatid ko, misis ko atsaka ako. Yung anak 'di pa namin nalalaman. Apat kaming naapektuhan yata," ani Bryan.

Ike-cremate ang mga labi ni Amelia sa lalong madaling panahon. Nagpositibo ang misis ni Bryan sa COVID-19 at patuloy naman na nagpapagaling ang mag-asawa sa ospital.

Sa datos ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes, nasa 148 ang kabuuang kaso ng mga Pinoy na apektado ng COVID-19. Sampu dito ang namatay habang pito naman ang nakarecover mula sa sakit.

Ipinahayag ni Philippine Ambassador to the Italian Republic Domingo Nolasco noong March 31 sa interview ni Usec. Rocky Iganacio ng Presidential Communications Group na walang opisyal na datos ng mga Pilipinong nagpositibo o namatay dahil sa COVID-19 sa Italy.

"There are Filipinos affected by COVID-19 but due to the strict privacy law here, we cannot provide the details. As of yesterday, there are 87 confirmed cases of Filipinos with COVID-19, including those who are here in Italy. We learned about these cases through their relatives or employers," aniya.

May mga kababayan naman na humihingi ng pinansyal na tulong dahil sa nawalan ng trabaho. Ang iba naman ay nagpahiwatig na gusto nang umuwi sa Pilipinas.

"We operate on a one-country team approach together with representatives from the Department of Labor and Employment (DOLE) and the Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). We evaluate them individually if their request for repatriation is legitimate since many still desire to return here until everything is over."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.