Mga Pinoy sa Italy, hati ang pananaw sa mandatory SSS membership

Mye Mulingtapang, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Mar 24 2019 07:20 PM

MILAN, Italy -- Pirmado na ang mandatory SSS membership ng mga OFW sa ilalim ng bagong Social Security Act of 2018.

Pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 7 ang Republic Act 11199 kung saan mandatory na ang Social Security System (SSS) membership para sa mga sea-based at land-based overseas Filipino workers.

Sa Section 9-B ng RA 11199 o compulsary coverage for overseas Filipinos, ang mga nasa household service workers ay kinakailangan magbayad ng kontribusyon sa ilalim ng self-employed category dahil wala pang bilateral labor agreement ang SSS sa mga foreign employers.

Si Juanito Villanueva, SSS member bago pa man magtrabaho sa ibang bansa, kahit matagal nang naninirahan at nagtatabraho sa Italya, naghuhulog pa rin ng kaniyang contribution.

"Mas okay sa palagay ko kasi kahit kami mga OFW matagal kami nagtatrabaho dito sa ibang bansa kung titingnan mo hindi na masyado applicable pero tinitingnan ko pa rin in the future na very useful pa siya pagtanda namin," ani Villanueva.

Pabor ang ilang mga Pinoy na gawing compulsary ang pagmimiyembro sa SSS.

"I think magbe-benefit ang mga OFW kapag mandatory na siya, compulsory na siya, so ibig sabihin everyone eh magkakaroon ng benefits," sabi ni Michelle Banson.

Pero may iba naman na may alinlangan o hindi pabor dahil maaring maging dagdag pasanin ito sa mga OFW na maliit ang sahod.

“Depende rin sa sweldo, sa pangangailangan ng mga tao, kasi may mga OFW din naman na hindi kalakihan ang sweldo," ani Jaypee Andal.

Sabi naman ni Keith Landicho, hindi naman umano mapapakinabangan ng mga Pinoy ang pagiging miyembro ng SSS lalo pa at ang karamihan ay may kani-kanilang personal insurance at nagbabayad din ng contribution sa Italya.

"Kung pababayarin po kami ng something we won’t be benefitting (from), I’m not in favor," ani Landicho.

Nakasaad din sa bagong batas ang pagtaas ng monthly contributions. Mula sa kasalukuyang 11% ay magiging 15% pagdating ng 2025.

Samantala, ang Pinoy permanent migrants, immigrants, permanent residents, at naturalized citizens ay hindi sakop ng bagong batas pero puwdeng maging voluntary members.

Ayon naman kay SSS foreign representative Mary Jessielyn Sia, dapat tingnan ng mga OFW ang mga benepisyong matatanggap nila at ang pagbabayad ng SSS contributions ay ipong may pakinabang na kanilang magagamit sa oras ng pangangailangan.

"Sa pagtaas po ng contribution tinataas din natin ang monthly salary credit para at least mataas din ang magiging benepisyo na makukuha naten," ani Sia.

Maglalabas ang SSS ng implementing rules and regulations sa loob ng tatlong buwan pero nais ipatupad ng SSS ang mga probisyon sa mga susunod na buwan.