Maling paggamit ng bandila ng Pilipinas ng mga Fil-Am barbero, binatikos

TJ Manotoc, ABS-CBN North America News Bureau

Posted at Mar 19 2019 06:40 PM | Updated as of Mar 19 2019 08:04 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binatikos ang isang grupo ng mga barberong Pilipino matapos na magsagawa ng libreng gupit gamit ang barber’s cape na may disenyo ng bandila ng Pilipinas noong huling Filipino Heritage Night ng Golden State Warriors sa Oracle Arena sa Oakland, Marso 10. 

Swabe at artistic na mga design ang inihandog ng mga barbero mula sa National Filipino Barbers Association (NFBA) para sa mga fans.

Pero ang magandang hangarin ay nabahiran ng kontrobersiya dahil sa ginamit nilang barber’s cape na naka-disenyo tulad ng watawat ng Pilipinas.

May mga pumuna dito nang makita sa social media at mapanood ang report ng Balitang America.

Pinaalala ng netizens sa mga barbero na mayroong batas na nagsasaad sa tamang paggamit ng bandila ng Pilipinas.
    
Kabilang sa mga probisyon ng Republic Act 8491 ang pagbabawal sa paggamit ng bandila bilang damit o costume.

Ang naturang batas ay kailangang sundin sa loob ng buong teritoryo ng Pilipinas, batay na rin sa Section 3 ng General Provisions nito.

 

Bagama’t nangyari sa labas ng Pilipinas, nagpaabot pa rin ng paumanhin si Jayr Mallari ng NFBA sa mga kritiko sa pamamagitan ng Facebook.

Giit niya na Pinoy pride lamang ang ginusto nilang ipahayag at wala silang intensyong bastusin ang watawat.

Tiniyak rin niyang hindi na ito maullit pa. 

-- May ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Read more on Balitang America

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.