Kasunduan muna bago deployment sa Czech Republic: POEA

Aleta Nieva Nishimori, ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2018 12:41 PM | Updated as of Mar 16 2018 01:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Wala pang planong magkasa ng massive deployment ang Pilipinas para matugunan ang pangangailangan sa manggagawa ng bansang Czech Republic.

Ayon kay Undersecretary Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), nais umano ng Department of Labor and Employment na magkaroon muna ng bilateral labor agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

"Magsisimula po 'yan [recruitment process] pag naumpisahan 'yung tinatawag na bilateral labor agreement," pahayag ni Olalia sa DZMM, Biyernes ng umaga.

Ayaw umano ni DOLE Secretary Silvestre Bello III na magkaroon ng deployment hangga't wala ang naturang kasunduan.

"Karamihan sa destination countries ay walang mekanismo upang matugunan yung kanilang [OFW] pangangailangan," sabi niya.

Nasa 1,000 trabaho umano bilang domestic workers, drivers, manufacturing technicians, warehouse managers, warehouse workers, forklift operators, bakers, butchers, nurses at caregivers ang binuksan ng Czech Republic.

Sabi ni Olalia, mas pinili daw ng naturang bansa ang mga manggagawang Pilipino dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho at magandang paguugali.

"Kaya lang sa ngayon 'di po natin matutugunan 'yun, 'di po natin mapapayagan hangga't wala po tayong agreement. Sana magkaroon muna tayo ng labor arrangement na matutugunan kung sakaling magkaroon ng problema sa jobsite," sabi niya.

Pero dagdag niya na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang nangunguna dito dahil sila ang may mandato na makipag-ugnayan sa isang bansa upang magkaroon ng bilateral labor agreement.

"Kapag nagkapirmahan na po, doon na tayo magkakaroon ng massive deployment," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.