8 Pinoy sa Hong Kong, inaresto dahil sa '5-6'

ABS-CBN News

Posted at Mar 16 2017 10:45 AM | Updated as of Mar 16 2017 08:26 PM

(UPDATED) Walong Pilipino ang inaresto kamakailan sa Hong Kong dahil sa pagkakadawit sa iligal na "5-6" na sistema ng pagpapautang ng pera, ayon sa isang opisyal ng embahada ng Pilipinas, Miyerkules. 

Sinabi ni Consulate General sa Hong Kong Bernardita Catalla na nagsilbi ang 8 Pinoy bilang recruiter ng isang mag-asawang Chinese na nagpapautang kapalit ng mga pasaporte at employment contract bilang collateral.

"Sila po ang parang galamay, tao po ng mag-asawang Intsik na kumbaga ay pinaka-mastermind, sila ang taga-pondo. Iyung mga Pilipino po, taga-recruit ng mga taga-utang," ani Catalla sa panayam ng DZMM. 

Nagpapautang aniya ang mag-asawa sa interes na 10-porsyento kada buwan kaya marami sa mga pinahiram nila ng pera ang nalubog sa utang at hindi na natubos ang pasaporte at employment contract. 

Dagdag ni Catalla, kadalasang sinisisante ng mga amo ang mga manggagawang nagkakaroon ng problema sa travel documents at kontrata.

"Yung Chinese na employers, they do not want to be involved sa mga ganyang problema. Pwede pong i-terminate ang kanilang kontrata, ino-notify lang sila," sabi ni Catalla. 

Agad nakalaya ang 8 naarestong Pilipino matapos magpiyansa. 

Ayon kay Foreign Affairs (DFA) Asec. Charles Jose, titiyakin ng embahada ng Pilipinas sa Hong Kong na patas na didinggin ng korte doon ang kaso ng mga nahuling Pinoy.

Sa ngayon, hindi pa nakakausap ng DFA ang mga pamilya ng mga nahuli.

Ani Jose, makikita sa imbestigasyon kung suspek nga o nabiktima lang din ng loan shark syndicate ang mga naarestong Pilipino.

Mayroong 192,000 overseas Filipino workers na naninirahan sa Hong Kong nitong Enero, ayon kay Catalla. --with reports from Miguel Dumaual, ABS-CBN News