OFW sa Hong Kong na sinibak dahil sa cancer humihingi ng tulong

ABS-CBN News

Posted at Mar 08 2019 08:23 PM | Updated as of Mar 08 2019 08:44 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humihingi na ng tulong ngayon ang Pinay domestic worker sa Hong Kong na sinibak umano ng kaniyang employer nang ma-diagnose na may cervical cancer.

Nitong Enero 2019 nalaman ng 38 anyos na si Baby Jane Allas na mayroon siyang stage three cervical cancer.

Sa kabila nito, tiniis ni Allas, na isang single mother, ang pagtrabaho sa Hongkong para lang mabuhay ang limang anak kahit mapait ang karanasan sa kamay ng Pakistani niyang amo.

Bibihira umanong mapayagang mag day-off si Allas at pinapakain umano siya ng mga tira-tira. Natutulog lang daw si Allas sa maliit na storage room sa bahay ng kaniyang employer.

"Kung tutuusin kaya ko pagtiiisan lahat para sa pamilya ko kasi siyempre mahirap ang buhay natin sa Pilipinas lalo na sa amin sa Palawan,” ani Allas.

Tinermineyt nitong Pebrero ng amo ni Allas ang kaniyang kontrata nang malaman ang kaniyang sakit. Kaakibat nito ang pagkawalan ng health insurance na inaaasahan niya sana sa pagpapagamot.

Nang mawalan ng trabaho, unang inalala ni Allas ang pagtutustos ng gastusin ng kaniyang mga anak.

“Yung cancer andiyan na 'yan di ko na matatanggal pero 'yung bituka ng mga anak ko hindi ko maano kahit may kanser ako gusto ko kahit paano tapusin kontrata ko kahit may sakit ako kung 'di dahil sa kapatid ko hindi ako magpapa-check up,” ani Allas.

Nanunuluyan ngayon si Allas sa kaniyang kapatid na si Mary Ann, na domestic helper rin sa Hong Kong. Nais sanang kuhanin ng employer ni Mary Ann si Baby Jane pero ipinagbabawal sa Hong Kong na mabigyan ng bagong kontrata ang isang may cancer.

Sinimulan ng amo ni Mary Ann ang isang fundraising campaign sa Get Go Funding para matustusan ang pagpapagamot ni Mary Jane.

Ayon kay Mary Ann, nasa HK$391,000 na ang nakuha mula sa fundraising. Pero malayo pa raw ito sa HK$1 milyon na kailangan ni Baby Jane sa pagpapagamot.

Nagpasya si Baby Jane na sa Hongkong magpagamot dahil aniya walang kasiguraduhang gagaling siya sa mga pampublikong ospital sa bansa.

Nagsampa na ng reklamo si Baby Jane sa Labor Department ng Hong Kong at na-extend ang kaniyang visa habang nililitis ang kaso.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.