DOLE itinangging may malawakang OFW unemployment dala ng COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Mar 04 2020 06:25 PM

MAYNILA - Pinabulaanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may malawakang unemployment ng overseas Filipino workers dala ng naging banta nang coronavirus disease 2019 (COVID-19) partikular na sa mga lugar kung saan naitala ang maraming kaso. 

Ayon sa Overseas Workers' Welfare Administration, nasa higit 30 OFWs ang nawalan ng trabaho sa Hong Kong dahil sa COVID outbreak. 

Pero ayon kay Labor secretary Silverstre Bello III, itinuturing na "isolated cases" ang unemployment cases ng OFWs sa mga lugar na matinding nasapul ng COVID-19. 

"Fake news ‘yan eh. That’s not true. We are not losing workers in the overseas. Wala naman except for some requests for repatriation, wala naman ganoong loss of work especially if we are talking of Hong Kong, Japan, Macau and even Taiwan," ani Bello sa isang press conference ngayong Miyerkoles. 

"There are no incidence of employment loss, may mga isolated cases pero by and large, walang alarming rate of unemployment to our overseas workers." 

Sa hiwalay na panayam, ipinaliwanag ng OWWA na hindi taga-Hong Kong ang ilan sa mga employer at umalis na sa lugar. Samantala, may ilan umanong hindi agad na nakabalik sa Hong Kong dala ng pagpapatupad ng travel ban sa lugar. 

Ginagawan na ng paraan ng gobyerno ang trabaho ng mga apektadong OFW, ayon kay OWWA administrator Hans Cacdac. 

"Isinasaayos ang kanilang pag-transfer to another employer. Kasi Hong Kong immigration law allows that, in fact, they need not even leave Hong Kong," ani Cacdac. 

Sakaling may hiling na repatriation, nakahanda na ang ahensiya para rito, ayon kay Bello. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.