Mga aplikante sa pagka-nurse sa Germany binalaan vs illegal recruiters

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2019 06:38 PM

Binalaan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mga Pilipino na nag-aaplay para maging mga nurse sa Germany laban sa umano ay mga illegal recruiter.

Nakatanggap kasi ang POEA ng impormasyon na may isang website na ginagamit ang mga illegal recruiter para makapambiktima ng mga aplikante at sinasabing bahagi raw sila ng Triple Win Project.

Ayon kay POEA Administrator Bernard Olalia, ang kanilang ahensiya lang ang nagpoproseso ng mga aplikanteng nais maging nurse sa Germany sa ilalim ng proyekto.

"Ang buong proseso ng pagre-recruit at pagde-deploy dito sa Pilipinas ay pinangangasiwaan lamang ng POEA, at walang ibang tagalabas na ahensiya ang awtorisadong gumawa nito para sa amin," sabi sa pahayag ni Olalia.

Ang Triple Win Project ay isang joint initiative ng German Federal Employment Agency at ng POEA na layuning makapagpadala ng mga nursing professional sa iba’t ibang panig ng Germany.

Hinikayat ng POEA ang mga aplikante na maging maingat laban sa mga illegal recruiter at itawag sa kanila ang ano mang mga kahina-hinalang gawain ng mga recruiter.

--Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.