Sahod para sa mga tatanggaping Pinoy nurse sa Germany itinaas

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 06:55 PM | Updated as of Feb 01 2019 08:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Itinaas pa ng bansang Germany ang kanilang minimum na pasahod para sa mga bagong Pilipinong nurse na matatanggap sa kanilang government-to-government hiring.

Alinsunod ito sa Triple Win Project, na isang joint initiative ng German Federal Employment Agency at ng POEA na layuning makapagpadala ng mga nursing professional sa iba’t ibang panig ng Germany.

Mula sa €1,900 euro (P116,000), itinaas na ang sahod nila sa €2,000 (P119,000) kada buwan.

Kapag kinilala na sila bilang kalipikadong nurse, €2,400 (P143,000) mula €2300 (P137,000) ang magiging sahod nila.

Ayon kay Philippine Overseas Employment Administration chief Bernard Olalia, maaaring itinaas ang sahod dahil sa pagkakakilanlan ng mga Pinoy nurse sa buong mundo.

"Na-realize siguro nila na hindi lang sila 'yung country of destination pagdating sa ating mga nurses. Nandidiyan kasi 'yung ating Japan market, 'yung ating UK market, 'yung ating KSA (Kingdom of Saudi Arabia), na nanghihikayat din mag-apply 'yung ating mga Filipino nurses," aniya.

Bibigyan din ng €300 (P18,000) insentibo ang mga napiling aplikante na makakapasa sa B1 German Language exam sa kanilang unang subok.

Pero hindi sakop sa umento at insentibo ang mga Pinoy nurse na nauna nang pumasa o nagtatrabaho na sa Germany.

Sa ngayon, 400 nurse ang kailangan ng Germany sa ilalim ng nasabing proyekto.

Kinakailangang may minimum experience na dalawang taon ang aplikante at kailangan niyang ipasa ang B1 German Language Proficiency Exam.

Magtatagal ang pag-a-apply hanggang Pebrero 28. Matapos ito ay sasailalim sa interview ang mga aplikante sa Marso, at magsisimula ang kanilang German language training sa Abril.

Kapag pumasa sa exam, sagot na rin ng employer ang visa at airfare ng mga nurse patungong Germany.

Maaaring pumunta sa POEA website ang mga interesadong aplikante.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.