Bagong Pinoy nurses sa UK, hindi nababahala sa Brexit

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Feb 01 2019 03:18 PM | Updated as of Feb 02 2019 03:03 AM

Mga bagong dating na Pinoy nurses sa Heathrow airport kasama ang kinatawan ng Skilled Health International. Larawan mula kay Marco Pajo

LONDON -- Habang nangangamba ang ilang Pilipino sa epekto ng Brexit sa kanilang negosyo o trabaho, kumpiyansa naman ang mga bagong nurse sa UK na hindi sila tatamaan nito dahil mas kakailanganin daw sila kapag umalis ang European medical workers.
 
Ang mainit na usapin ng Brexit ang sumalubong sa pitong bagong recruit na nurse na dumating sa Heathrow airport. Pero baon din nila ang pangarap na umasenso at balang araw ay maging British citizen. 

Nakatakdang bumaklas ang UK sa EU sa March 29, pero hanggang ngayon wala pa ring aprubadong Brexit deal sa parliyamento.
 
“Sana mag- improve ako at tumaas kung ano man ang rank or band ng pagiging nurse sa UK and in the end, maging citizen,” sabi ni Jonathan Vergere. 
 
Sa kabila ng negatibong balita sa maaring epekto sa trabaho, hindi raw sila nababahala sa Brexit. 
 
“Di talaga wide ang information ko sa Brexit pero what I know is-- yung EU nurses, they have to go and apply again, same as the application we made. Feel ko, mas marami pang kakailanganin na nurses kung ‘di na sila babalik sa UK,” sabi ni Erica Fatima Mateo. 
 
Sa ilalim ng EU single market, prayoridad sa recruitment ang EU citizens. Magbabago ito sa pagkalas ng UK sa EU. At kung aalis ang mga Europeans, oportunidad ito para sa mga Pinoy.
 
Sa tala ng National Health Service o NHS, may tinatayang 1.2 million ang nagta-trabaho sa British public health service, 63,000 (5.6 per cent) sa bilang na ito ang European nationals. May higit 16,000 Filipino medical workers ang nagta-trabaho sa NHS. 
 

Watch more in iWant or TFC.tv

Wala pang isang taon sa UK si Ivan Allen Brusas na nurse sa East and North Hertfordshire NHS. Inaral na raw niya ang epekto ng Brexit sa non-Europeans. 
 
“Curious po ako sa Brexit. What I found is ‘di po tayo affected kasi the issue is UK going outside the EU,” sabi ni Brusas. 
 
Umaasa rin siya na uusad pa ang kaniyang karera sa NHS. 
 
“It was my dream to work here in the UK. I have been researching. I find it as the best country to work as a nurse,” dagdag ni Brusas. 
 
Sabi ni Edwin Dela Cruz na kasama sa pagre-recruit ng mga nurse sa Pilipinas para sa Chelsea and Westminster Hospital NHS Trust, ngayong taon ay 150-200 nurse ang kailangan ng kanilang Trust. 
 
“We need more nurses. We need more international nurses to fill the gap in the NHS. It’s good news for Filipino nurses,” sabi ni Dela Cruz, Head of Nursing Practice Development and Education ng ospital.

Nailatag na rin daw nila ang magandang reputasyon ng Pinoy nurses sa UK. 
 
“That’s what nurses in the Philippines should be proud of, kasi may na-establish na dito. We really did our best to be the best nurses in the UK,” dagdag ni Dela Cruz.
 
Hindi nangangamba ang mga bagong nurse dahil sa pagkalas ng UK sa EU, maari rin daw magbukas ang bilateral agreement sa pagitan ng Pilipinas at UK, lalo na kaugnay ng pagkuha ng mga manggagawa sa medical field.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.