1,000 Pinoy nurse kailangan ulit sa Saudi Arabia

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2019 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nangangailangan ulit ang Saudi Arabia ng 1,000 babaeng Pinoy na nurse, ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

Dalawang taong karanasan lang ang kailangan sa mga aplikante.

Nasa SAR4,110 (Saudi riyal) o P57,000 ang starting salary ng mga matatanggap na nurse at maaari pa itong tumaas dahil sa salary increase kada taon.

"Habang nire-renew 'yong kontrata mo, mayroon kang increment na something like P4,000 every year sa iyong monthly salary," ani PEOA administrator Bernard Olalia.

Wala ring language training na kailangan kaya tatlong buwan lang daw ang itatagal ng deployment process.

Libre din ang board and lodging, round-trip ticket, at mayroon pang annual paid vacation leave.

Magugunitang noong nakaraang taon ay nangailangan din ang Saudi Arabia ng 1,000 babaeng Pinoy nurse.

Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng deployment ng mga Pinoy nurse sa Saudi, tinatayang mababawasan naman ang kabuuang bilang ng mga overseas Filipino worker.

Ito ay matapos ipag-utos ng Department of Labor and Employment na bawasan ng 10 porsiyento ang OFW deployment sa buong Middle East.

"Ang goal naman natin is ipababa natin 'yong deployment ng ating HSWs (household service workers) dahil sila iyong ating vulnerable type of workers," ani Olalia.

"Pero mako-compensate naman ng increase ng mga professionals, skilled saka semi-skilled workers," dagdag ni Olalia.

Kinumpirma rin ni Labor Secretary Silvestre Bello na inilabas niya ang kautusan noong Disyembre 13, 2018 at ito ay ibinase sa rekomendasyon ng mga labor attache para mabawasan ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga OFW sa Middle East.

--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.