‘Tatak Pinoy’ kilala na sa National Health Service sa UK

Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

Posted at Jan 02 2019 05:49 PM | Updated as of Jan 02 2019 06:39 PM

Binisita ng The Filipino Channel ang mga Pinoy nurses sa Chelsea and Westminster Hospital sa United Kingdom. Rose Eclarinal, ABS-CBN Europe News Bureau

LONDON – Marami nang Pilipino ang nabigyan ng oportunidad na makapagtrabaho sa National Health Service (NHS) sa United Kingdom mula nang maitatag ito may 70 taon nang nakalilipas.

Dekada 70 nang magtrabaho sa NHS si Dr. Francis Silva. Sa Singleton Hospital, Swansea, Wales siya unang nagtrabaho bilang doctor nang pumasa sa mga requirement ng General Medical Council sa UK.
 
“After Swansea, I worked at the National Orthopedic Hospital, which is a famous orthopedic hospital in the world,” sabi ni Dr. Silva.
 
Nagtapos siya ng medisina sa University of the East Ramon Magsaysay Memorial Medical Center (UERMC) noong 1969 at 21-taon siyang general practitioner o GP sa Epsom, England. Bilang GP ng NHS, sa kaniya unang dumadaan ang mga may karamdaman bago i-endorso sa ospital kung kailangan.
 
Sampung taon nang retirado si Dr. Silva at ‘di rin niya malilimutan ang panahon na inilaan niya sa NHS, kung saan isa siya sa mga unang Filipino doctor.
 
“Ako lang ang Filipino doctor so I’m receiving consultation from everywhere. Yung word of mouth na 'sa amin may Filipino doctor, mabait ‘yun.' Ini-entertain ko sila kahit ‘di ko pasyente,” sabi ni Silva.
 
Bagay daw kay Silva ang sistema ng NHS, ang publicly funded health care system ng UK.
 
Sa ilalim nito, libre ang pagpapagamot ng mga mamamayan kaya ‘di raw siya nakatutok sa pagpaparami ng pera, kundi sa pagpapagaling ng may sakit.
 
“'Yun bang ang focus mo just to help the patient. Whatever prescription you give, mai-provide sa pasyente. Sa atin (Pilipinas) hindi ganun,” sabi niya.
 
Sa pag-imbulog ng NHS, dumaan din ito sa ilang pagsubok. Bago pumasok ang bagong milenyo, nagkulang sa supply ng nurses sa UK kaya bumaling sa overseas recruitment.

Isa si Mariza Flete sa na-recruit sa Pilipinas noon at 17 taon na sa NHS ngayon. May 27 na nurse ang nasasakupan niya, at 6 dito ay mga Pinoy.
 
“There was a time when there was a shortage of staff and they recruited Filipinos. Now they are back to recruiting again,” sabi ni Flete, Ward Manager sa David Evans Ward, Chelsea and Westminster Hospital.
 
Kasama rin si Edwin Dela Cruz sa na-recruit noong late 90s.
 
“When I came to the UK, I was the dean of nursing in the Philippines then I started as health care assistant. So you can imagine the transition from a high position to become health care assistant,” sabi ni Dela Cruz.
 
Ngayon, head of Nursing Practice Development and Education na si Dela Cruz sa Chelsea and Westminster Hospital NHS Foundation Trust. Sa NHS Trust na ito ay may 400 Filipino nurses.

“We came here [when] there was a shortage of nurses, but tingnan mo ngayon, we are everywhere, from surgical to medical wards to the academe,” sabi ni Dela Cruz.
 
May 1.2 million staff ang nagta-trabaho sa NHS. Isa sa limang empleyado ay ethnic minority. Pangatlo naman ang mga Pinoy sa pinakamaraming bilang ng empleyadong nurse ng NHS na aabot na sa 16,807. Pangalawa ang Indians (19,142) at una ang mga Briton (998,363).

Gumagawa na rin ng pangalan ang mga Pinoy sa iba't ibang larangan sa NHS at ang tatak Pinoy, ‘di raw nababago.

“They also [give] feedback that without the Filipino nurses, the NHS will not be really that good. Because we are naturally caring,” sabi ni Flete.
 
Dagdag ni Dela Cruz: “Innate ‘yan sa ating mga Pilipino na maging mapagmahal sa pasyente and one thing we can say, we have world-class qualities in terms of knowledge and skills.”
 
Ang mga bagong nurse sa Chelsea and Westminster Hospital aminadong maganda ang reputasyon ng Pinoy dito kaya lalo nilang pinagbubuti ang trabaho.
 
Sabi naman ni Leanne Fiel, isang bagong nurse sa Evans Wards, katangian na ng mga Pilipino ang maging maalaga.
 
Tatlong taon ang kontrata ni Fiel sa NHS at gusto niyang tumagal pa dito para sa pag-unlad ng kaniyang career.

Ito raw ang maaahasan ng mga Pinoy sa NHS. Dito umano natupad ang career advancement nila sa medical field tulad ng lead nurse sa Endoscopy Unit na si Shiela Tana. Nasa advanced practice siya para sa Bowel Cancer Screening Program.
 
“The NHS has transformed my life because it created a lot of opportunities for me to be able to hone my skills, to be able to practice independently, and none of this would be possible without the support of the Trust, it’s the one that creates those opportunities,” paliwanag ni Tana.
 
Malayo pa raw ang tatakbuhin ng karera ng mga Pinoy nurse sa NHS at makatutulong din na nailatag na ang magandang reputasyon ng Pinoy.
 
“I’m very proud to be part of the NHS because it’s one of the most loved institutions and because up until now, it’s investing into genetic research, advanced practice, and many more,” sabi ni Tana.
 
“We really did our best to become the best nurses in the UK. That’s something that I’m very proud of. We’ve developed so many nurses as well, and we are developing more nurses in the future,” dagdag naman ni Dela Cruz.
 
Inasahan rin na sa Brexit, o ang paglabas ng UK sa European Union, mas dadami pa ang oportunidad ng Pinoy na makapagtrabaho sa UK dahil aalis daw ang mga Europeans.
 
Para sa mga bagong nurse ngayon, ‘di na nila palalampasin ang pagkakataong umasenso sa trabaho.

“When I set foot here, I actually realized, it’s good for career progression as well. They give us study days,” sabi ng 28 anyos na nurse na si Angel Pearl Domingo, na may anim na buwan pa lang sa UK.
 
Ang nurse sa UK ay sumasahod ng 22,128 pounds hangang 35,000 pounds kada taon para sa Band 5 nurses; at 31,696 pounds hanggang 69,168 pounds kada taon para sa senior levels posts.
 
Milestone sa NHS ang pagtapak sa ika-70 taong ng paggagamot at medisina para sa lahat.

“It’s a remarkable year for the NHS. The NHS history is one of evolution to the changes of the need of the people. I am very proud to be a Filipino, especially in this Trust, we are in the management level and we are going up the ladder and that’s great news to our kababayans out there,” pahayag ni Tana.
 
Tulad ng taong gustong manatiling malusog at kapakipakinabang, sabi ng mga Pinoy nurse sa London, tila inakay, pinagaling sa trabaho at pinalakas din sila ng NHS para maabot ang tugatog ng tagumpay sa kanilang karera.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.