Deployment ban sa Kuwait posibleng ibaba kasunod ng pagpatay sa OFW

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 03:26 PM | Updated as of Jan 01 2020 07:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Posibleng magpatupad ulit ang gobyerno ng deployment ban sa bansang Kuwait kasunod ng panibagong kaso ng pagpatay sa isang Pinoy na domestic helper doon, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Inaasikaso na rin ng mga awtoridad ang pag-repatriate o pagbabalik sa bansa ng mga labi ng biktimang si Jeanelyn Villavende, na pinatay umano ng kaniyang babaeng employer.

"This is another possibility na hindi remote na magde-deployment ban din kami sa Kuwait unless they can show us na mabigyan ng katarungan ang ating kababayan na si Jeanelyn," sabi ngayong Miyerkoles ni Bello.

Sa ilalim ng deployment ban, ipagbabawal ang pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa isang bansa.

Unang nagpatupad ng deployment ban sa Kuwait noong 2018 dahil sa sunod-sunod na ulat ng mga pang-aabuso at pagpatay sa mga overseas Filipino worker (OFW) roon, kabilang si Joanna Demafelis, isang domestic helper na natagpuang patay sa loob ng freezer.

Isang ulat mula sa Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait ang nagsasabing minamaltrato si Villavende ng kaniyang employer, na ngayo'y nakadetene, ani Bello.

Pero para sa recruitment consultant at migration expert na si Emmanuel Geslani, mainam na hindi muna magpatupad ng deployment ban.

Sa halip, dapat tingnan muna aniya ng gobyerno kung gaano kabilis ipatutupad ng Kuwait ang batas laban sa suspek.

Maaari aniyang ibalik ang ban kung makikitang inuupuan ng Kuwait ang kaso para ipakitang seryoso ang Pilipinas na pangalagaan ang mga manggagawa.

Hinimok naman ng non-governmental organization na Blas F. Ople Policy Center ang mga miyembro ng Senado at Kamara na magsagawa ng imbestigasyon sa pagpatay kay Villavende.

Kinondena rin ng Department of Foreign Affairs ang pagpatay kay Villavende, na umano ay paglabag sa kasunduan nilagdaan ng Pilipinas at Kuwait noong 2018 para sa proteksyon ng mga OFW.

Sa Huwebes, nakatakdang makipagpulong si Bello sa Kuwaiti Ambassador to Manila kaugnay ng insidente.

-- Ulat ni Willard Cheng

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.