Mga ospital handa na sa mga maaaksidente sa pagsalubong sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakataas na ang "code white" sa maraming ospital sa bansa bilang paghahanda sa mga masusugatan ng paputok o maaaksidente habang sinasalubong ang Bagong Taon.

Nangangahulugan itong kahit iyong mga off-duty na hospital staff ay naka-standby para sakaling kailanganing nilang umagapay ay madali silang makakaresponde at tumulong sa mga posibleng maaksidente ng paputok.

Sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, pinangaralan ni Health Secretary Francisco Duque III ang isang 11 taong gulang na lalaki sa loob ng burn unit.

Nasabugan ang mukha ng bata noong Disyembre 29 dahil sa ipinagbabawal na boga.

Isa lang ang bata sa higit 60 naaksidente ng paputok mula Disyembre 21 hanggang ngayong Martes.

Sa tala ng Department of Health (DOH), madalas na biktima ay mga bata.

Kalahati rin umano sa mga biktima ay mga passive user ng paputok o iyong mga nanonood lang at hindi naman talaga nagsisindi.

Muli ring umapela si Duque sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak para iwas-disgrasya.

"Bantayan ang inyong mga anak dahil ayaw po natin na ipagpalit ang kanilang kinabukasan sa panandaliang kasiyahang dinudulot ng paputok," ani Duque.

kompara noong 2018, mas mataas ng 2 kaso ang bilang ng mga naaksidente ng paputok mula Disyembre 21 hanggang 31 ng taong ito,

Kahit nakikitang epektibo umano ang kampanyang "Oplan Iwas-Paputok," hindi pa rin kampante ang mga ospital.

Muling inilatag ng mga hospital staff ang mga lagare, bolt cutter, at iba pang pamutol ng mga bahagi ng katawan na maaaring mapinsala ng mga paputok.

Sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City, wala pang naisusugod dahil sa paputok.

Anim naman ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center.

Ayon kay Duque, tila malabong makapagtala ng zero casualty tuwing sasapit ang Bagong Taon.

"Hangga't pinapahintulutan ang kanilang paglikha ng paputok, nandiyan ang tukso," ani Duque.

Una nang sinabi ng DOH na handa itong gumawa ng draft bill na tuluyan nang nagbabawal sa lahat ng uri ng paputok o pailaw.

Pero kailangan munang pag-aralan ang panukala lalo at kapalit naman nito ay ang kabuhayan ng maraming Pilipino na umaasa sa pagtitinda ng paputok. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.