Ilang Pinoy sasalubungin ang Bagong Taon sa trabaho

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 04:06 PM

Habang karamihan ng mga Pinoy ang sasalubong sa Bagong Taon sa kanilang mga bahay o sa mga pagdiriwang sa mga pampublikong lugar, uumpisahan ng iba ang kanilang 2020 sa gitna ng patuloy na pagseserbisyo sa iba.

Isa rito ang doktor na si John Jerome Malubay, na unang beses na sasalubong ng Bagong Taon sa emergency room ng Mandaluyong Medical Hospital.

Inamin niyang malungkot na mawalay sa pamilya pero ituturing na lang daw niya ito bilang bagong karanasan.

"Fulfilling din as a doctor. First time ko mag-duty na salubong ng Bagong Taon, it's a new experience," ani Malubay.

"Nakakapanibago kasi nandito ako sa ospital, 'di ko alam ie-expect ko mamaya," dagdag niya.

Hindi gaya ni Malubay, sanay na ang nurse na si Ronilo Santos Jr. sa New Year's Eve duty lalo at 5 taon niya na itong ginagawa.

"Sinet ko mind ko, duty ako," ani Santos.

Kumpara kay Santos, mas maraming bagong taon nang sinalubong si Felipe Jalober bilang security guard.

Mas mahalaga kasi para kay Jalober na maghanapbuhay para sa pamilya kaysa sa salubungin ang bagong taon kasama ang mga ito.

"Hindi ko naiisp 'yon, iniisip ko 'yong pang-araw-araw na gastos namin. Kinabukasan naman uuwi ako sa bahay, magkikita rin kami," ani Jalober, na 20 taon nang nag-New Year's Eve sa trabaho.

"Ganiyan trabaho ng guwardiya. Walang Pasko, walang Bagong Taon," dagdag niya.

Sa kalsada naman aabutan ng Bagong Taon ang medic ng mga ambulansiya tulad ni Rafael Martinez at bombero na si Anthony Inocencio.

"Masaya na nakakatulong ka sa kapwa ng walang kapalit," ani Martinez.

"Noong una medyo nakaka-inggit hindi ka makapagsaya, pero masaya na rin naman kapag puro volunteer mga kasama mo," sabi naman ni Inocencio.

Pero naiiba naman ang tricycle driver na si Efren Cruz.

Hindi kasi siya obligadong magtrabaho pero pinili niyang pumasada para makauwi ang mga nagsipagsaya at makatanggap din siya ng biyaya.

"Kapag umpisa ngayon hanggang pagkatapos ng putukan, hanggang umaga, makakaisang libo ka rin. Di mo kikitain 'yon ng ordinaryong araw," ani Cruz.

Nauna nang nagpaalala ang Department of Labor and Employment na ang mga empleyadong magtatrabaho sa bisperas ng Bagong Taon, isang special non-working day, ay dapat makatanggap ng dagdag na 30 porsiyento sa kanilang arawang suweldo at dagdag na 50 porsiyento naman kung day-off na special day.

Kung sa Miyerkoles, doble ng arawang suweldo ang dapat matanggap ng empleyado.

Higit sa suweldong matatanggap, silang mga magtatrabaho sa pagpasok ng 2020 ay naniniwalang magandang simula sa bagong taon ang paglilingkod sa kapuwa. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.