Mga nasalanta ni Usman, sasalubungin ang 2019 sa gitna ng trahedya

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2018 09:35 PM

Sasalubungin ng ilang Pinoy na naapektuhan ng bagyong Usman ang Bagong Taon sa gitna ng baha at trahedya matapos silang mapinsala noong nagdaang weekend. 

Nitong Lunes o bisperas ng Bagong Taon ay nasa ilalim na ng state of calamity ang maraming lugar na sinalanta ng noo'y bagyong Usman.

Kabilang sa mga lugar na ito ang Camarines Norte, Camarines Sur, at Albay, maging ang pitong bayan at isang lungsod ng Oriental Mindoro. 

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), aabot sa libo-libong pamilya ang naapektuhan sa Bicol Region at Eastern Visayas.

ORIENTAL MINDORO BINAHA

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa tala naman ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ng lugar, nasa 1,638 ang bilang ng apektadong pamilya sa bunsod ng matinding baha. 

Idineklara ang state of calamity sa mga bayan ng Baco, Naujan, Pola, Pinamalayan, Bongabong, Bansud, Socorro, at sa lungsod ng Calapan. 

Ayon kay Baco mayor Reynaldo Marco, 90 porsiyento ng bayan ang nalubog sa tubig na resulta umano ng pag-apaw ng ilog na sinabayan ng pagbuhos ng ulan. 

“Ang aming problema dito itong aming mga rivers ay silted na talaga, mababaw na kaya pagdating ng volume ng tubig galing sa bundok hindi na makatuloy sa dagat,” aniya. 

Umabot naman sa P112 milyon ang halaga ng pinsala sa 8,000 ektarya ng agrikultura sa Oriental Mindoro na nasira ng bagyo. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 23 barangay naman ang apektado ng pagbaha sa Naujan, Oriental Mindoro. 

Bagama’t binabaha, lumusong pa rin ang ilan para lamang makabili ng mapagsasaluhan sa pagsalubong sa 2019.

Pero may ilan tulad ni Timoteo Magnaye na nagpasya na lamang na maglinis ng bahay pagkahupa ng baha.

RESCUE OPS, PAGBIYAHE 'PAHIRAPAN'

Watch more in iWant or TFC.tv

Pahirapan naman ang rescue operations at pagbiyahe sa Albay at Camarines Sur dahil sa baha at naglalakihang mga landslide.

Ang ilang residente naman sa Tiwi, Albay, lumikas na noong Linggo sa takot na magkaroon ng landslide.

Dahil naman sa mga landslide ay na-isolate ang mga barangay na Bariis, Joroan, Maynonong, Misibis, Dapdap, at Mayong kaya pahirapang isugod sa mga ospital ang ilang nagtamo ng sugat. 

Nagkukulang na rin sa pagkain ang ilan sa mga na-isolate na lugar. 

"Tina-try naming na mag-transfer ng relief goods… [pero] hindi maibaba dahil malakas ang alon,” ani Manuel Damo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office – Tiwi. 

Sa Sorsogon City naman, apat ang patay habang dalawa ang pinaghahanap dahil sa mga landslide. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay din ang 24 tao, karamihan ay mga bata, sa pagguho ng lupa sa Sagñay, Camarines Sur. Tinatayang 25 naman ang nawawala sa Barangay Patintinan, na pinakamatinding tinamaan ng landslide sa bayan. 

Kabilang sa mga namatay ang pitong anak ni Jose Erno. Nawawala naman ang kaniyang asawa at isa pang anak. 

Isa na lamang ang naiwang buhay sa kaniyang mga anak dahil pumunta ito sa bahay ng kaanak. 

Naghukay ng daan ang mga awtoridad para makalapit ang mabibigat na equipment na gagamitin. May ilan ding dumaan sa mga dagat para makarating agad sa barangay. 

Nahihirapan ang mga awtoridad sa rescue ops dahil patuloy ang ulan sa bayan. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, may gumuhong lupa naman sa bahagi ng Waras Bridge -- na siyang ugnayan ng Baao at Iriga City, at daanan papuntang Visayas -- kaya isinara ito. 

Pila-pila naman ang mga stranded na trak at bus bago makarating sa sentro ng Nabua. May ilang drayber na stranded simula Disyembre 30 pa. 

Pinilit naman ng ilang sasakyan na makadaan, habang may mga pasaherong nagpasyang lumusong na lamang sa baha para makauwi. 

Sa tala ng Camarines Sur disaster office, aabot na sa P251,195,330 ang pinsala ng Usman sa kanilang lugar.

- May ulat nina Jose Carretero, Kevin Dingsalan, Dennis Datu, Anjo Bagaoisan, at Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.