Maraming pasahero sa Araneta bus terminal, 'di pa rin makabiyahe

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2018 11:44 AM

MAYNILA - Marami pa rin mga pamilya ang nagpalipas ng gabi sa Araneta Bus Terminal sa Cubao. 

Mas kaunti na ang bilang ng mga tao sa terminal kumpara nitong mga nakalipas na araw pero marami pa rin ang hindi makabiyahe.

Karamihan sa kanila ay mga pasahero pa-Masbate at pa-Visayas. 

Isa sa nakapanayam ng Radyo Patrol ang nagsabing Disyembre 30 ng umaga pa ang kanilang ticket pero naantala ang pag-alis dahil sa bagyo.

Marami rin umanong lugar ang hindi madaanan dahil sa landslide, kaya kaunti lang ang biyahe ng mga bus. 

May mga pasaherong naglatag na ng karton para doon pansamantalang magpahinga habang naghihintay ng kanilang biyahe. 

Nanghihinayang lang sila dahil tila hindi na sila aabot sa Media Noche kasama ang kanilang mga pamilya.

Wala rin umanong nagbigay ng pagkain o kahit tubig man lang sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.