Mall sa Cotabato niyanig ng pagsabog; 2 patay, higit 30 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2018 08:05 PM

Dalawa ang patay habang nasa 34 ang sugatan nang magkaroon ng pagsabog sa isang department store sa Cotabato City nitong Lunes o bisperas ng Bagong Taon.

Sa kuha ng CCTV na ipinadala sa ABS-CBN News, kitang nagtatakbuhan ang mga tao na sinundan ng pag-usok sa tabi ng Southseas Mall sa Barangay Poblacion 5, Cotabato City.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang improvised explosive device (IED) ang naging sanhi ng pagsabog. Itinanim umano ito malapit sa mga nagtitinda ng torotot at pailaw, ayon sa Cotabato police, 

Natagpuan din ang isa pang IED sa loob ng department store na na-defuse naman ng mga awtoridad. 

Kinilala ang mga nasawi na sina Mariam Ulama Cali at Jonathan Torianao. 

May mga nasugatan ding menor de edad sa pagsabog, ayon kay Maj. Gen. Cirilito Sobejana, commander ng Philippine Army 6th Infantry Division. 

Aminado siyang nalusutan ang isang bahagi ng mall nang maglatag sila ng seguridad sa lugar. 

"We're actually providing security (in the area) but we missed a spot because of the high number of people around," ani Sobejana. 

Ayon pa sa kaniya, maituturing itong uri ng terorismo. 

"The (improvised explosive device) that exploded earlier carries the signature of a Daesh-related group," ani Sobejana. Ang Daesh ay isang Arabic acronym para sa Islamic State.

--May ulat ni Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.