Libo-libong deboto lumahok sa thanksgiving procession ng Itim na Nazareno

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2018 09:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Libo-libong deboto ang nakibahagi sa taunang thanksgiving procession ng mahal na poon ng Itim na Nazareno sa Quiapo, Maynila.

Gaya ng dati, nagkasiksikan at nagkatulakan ang mga tao makalapit lang sa andas.

Magsasampung taon nang namamanata si Frankie Pasagi sa Itim na Nazareno at tuwing Disyembre 31, iniaalay niya ang huling araw ng taon bilang pasasalamat sa Panginoon.
    
"Para sa pamilya, sa barangay, sa kapatiran... Hanggang nabubuhay ako, maglilingkod ako dito," ani Pasagi.

Pasado alas-11 ng Linggo, puno na ang Plaza Miranda ng mga deboto.
    
Pagpatak ng hatinggabi, nagdasal ang lahat, saka binuksan ang gate ng simbahan kasabay ang mabilis na paglabas ng andas.

Pero hindi pa man nakalalayo, nagkagulo na ang mga tao. Nagkasiksikan at nagkatulakan makalapit lang sa lubid at sa mismong imahen ng Nazareno.

Ilang beses pang nag-atras-abante ang andas at nagpaikot-ikot dahil sa puwersa ng mga deboto.
    
Kaniya-kaniya silang hagis ng bimpo para ipahid sa poon.
    
Kahit nasaktan ang debotong si Michelle Manalaysay, hindi raw siya magsasawa na sumampa sa andas.

"Pag sumasama ako, gumagaan ang kalooban ko," ani Manalaysay.

Ang thanksgiving procession ay patikim lang ng mas malaking traslacion sa Enero 9.


—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.